32.5 C
Manila
Sabado, Pebrero 22, 2025

Gatchalian dismayado sa NGCP: naantala na nga ang mga proyekto, pinagbabayad pa ang taong bayan

- Advertisement -
- Advertisement -

Nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Win Gatchalian sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa pagkaantala ng 16 transmission projects nito na itinuturing na Energy Projects of National Significance (EPNS). Sa 16 na EPNS, aniya, anim lang ang natapos na kumakatawan sa humigit-kumulang 37.5% completion rate noong Marso 2023, habang ang NGCP ay kumukolekta na para sa mga naantalang proyektong ito.

Ayon sa kanya, ang pagkabigo ng NGCP na matapos ang mga naturang proyekto sa takdang oras ay nagdudulot ng malaking pagkaantala sa pagbuo at operasyon ng mga generation facility na nakakaapekto naman sa kabuuang suplay ng kuryente sa bansa. Ang pagpapatupad ng mga proyekto ng EPNS ay naantala ng may 3 taon habang ang mga hindi pa natatapos ay naantala ng humigit-kumulang 5 taon na.

“Ang masama dito, nangongolekta na sa atin at nagbabayad na tayo ng pera sa mga proyektong hindi pa natin nakikita,” diin ni Gatchalian, na naghain ng Proposed Senate Resolution 616.

Nais ng vice chairperson ng Committee on Energy na imbestigahan ang malaking pagkaantala sa pagkumpleto ng mga transmission projects ng NGCP upang matiyak ang maaasahan at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente sa bansa.

Ibinunyag pa ng senador na sa 168 na proyekto sa ilalim ng Transmission Development Plan, hindi kasama ang 56 na proyekto na nasa pre-construction stage, 30 na proyekto pa lamang ang natapos habang 138 na proyekto ang naantala.

“Ang pagkaantala ay nagdudulot ng patong-patong na epekto. Kapag pinag-usapan ang pag-akit ng mga mamumuhunan sa bansa, ang suplay ng kuryente ang isang pangunahing konsiderasyon. Paano tayo makakahikayat ng mga mamumuhunan kung wala tayong sapat na suplay ng kuryente at mataas ang presyo nito?” ani Gatchalian.

Inihalimbawa ni Gatchalian ang Mindanao-Visayas Interconnection Project na magbibigay-daan sa bansa na magkaroon ng isang grid, oras na makumpleto ito. Ang proyekto, na may full transfer capacity na 450 megawatts (MW), ay nakatakda sanang mag-operate noong Disyembre 2020. Gayundin, ang Cebu-Negros-Panay 230 kilovolts (kV) Backbone Stage 3 Project, na inaasahang mag-umpisa sana noong Disyembre 2020, ay magtataas ng transfer capacity sa 800 MW mula 200 MW. Dagdag pa rito, ang Hermosa–San Jose 500 kV Transmission Line Project, na unang itinakdang makumpleto noong 2019, ay magpapagaan sa pagsisikip ng Bataan Corridor na may kapasidad na 4700 MW.

“Bilang nag-iisang backbone para sa paghahatid ng kuryente sa buong bansa, ang NGCP ay may mandatong tiyakin na nakakapaglingkod ito nang maayos sa mga generation company, distribution utilities, at mga supplier na nangangailangan ng transmission at ancillary services sa pamamagitan ng transmission system,” sabi ni Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -