Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman noong ika-16 ng Mayo 2023 ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Orders (SARO) na may kabuuang halaga na nasa P7,684,844,352 para pondohan ang implementasyon ng Targeted Cash Transfer (TCT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tinatayang nasa 7,597,546 bilang ng mga benepisyaryo ang inaasahang makikinabang mula sa TCT.
“Hindi po natin pababayaan ang mga kababayan nating nangangailangan. Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tutulong tayong siguruhin na ang ating mga kababayan, lalo na ‘yung mga vulnerable o ‘yung mga kailangang mabibigyan ng kalinga at suporta,” ayon kay Secretary Pangandaman.
Kung matatandaan, noong taong 2022, nakapagpalabas na ang DBM ng kabuuang P19.43 bilyon sa DSWD katumbas ng apat na buwan mula sa anim na buwang pondo na kailangan para sa TCT.
Ang P7.68 bilyong pondo na inaprubahan kamakailan lang ay sasakop sa natitirang dalawang buwan ng TCT.
Nagbibigay ang programa sa mga benepisyaryo ng P500 kada buwan, kasama na dito ang administrative cost at bank charges.
“Nagpapasalamat po kami sa ating mahal na Pangulo sa mabilis na pag-apruba sa aming rekomendasyon na i-accommodate ang special budget request ng DSWD para sa implementasyon ng TCT program. Pinapakita lang po nito na prayoridad ng Pangulo ang pagkalinga sa ating mga kababayan na nangangailangan,” saad pa ni Secretary Pangandaman.