24.8 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Gatchalian gustong siyasatin ang posibleng pagkakasangkot ng POGO sa mga kaso ng human trafficking

- Advertisement -
- Advertisement -

Nais ni Senador Win Gatchalian na imbestigahan ng Senado ang posibleng pagkakasangkot ng industriya ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO sa mga kaso ng human trafficking sa bansa.

Kasunod ito ng pinakahuling kaso ng human trafficking na nasawata ng mga otoridad kung saan nailigtas ang mahigit isang libong mga indibidwal sa Clark Sun Valley Hub na matatagpuan sa Clark Freeport Zone. Kabilang sa mga nailigtas ang 389 na Vietnamese, 307 na Chinese, 171 na mga pinoy, 143 Indonesians, 40 Nepalese, 25 Malaysians, 7 Burmese, 2 Thai nationals, at 1 mula sa Hong Kong.

Ayon kay Gatchalian, ang compound kung saan na-rescue ang mga indibidwal ay hinihinalang POGO hub na nag-ooperate mismo sa loob ng Clark Freeport Zone, na ngayon ay kasalukuyang iniimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

“Ang mga sindikatong ito ay maaaring nagpapanggap na operator ng POGO ngunit aktwal na nakikibahagi sa mga krimen tulad ng human trafficking at scamming,” ayon kay Gatchalian, na naghain ng Proposed Senate Resolution No. 611.

Ayon sa kanya, ang patuloy na pag-iral ng mga POGO at kanilang mga service provider na sangkot sa mga kriminalidad ay patuloy na sumisira sa reputasyon ng bansa sa international community, nagdudulot ng banta sa kapayapaan at kaayusan sa bansa, at banta sa kaligtasan ng mga Pilipino at dayuhang naninirahan dito.

“Kailangang matukoy ang mga lapses at butas sa mga proseso ng gobyerno na humahantong sa human trafficking sa Pilipinas na sumisira sa dignidad ng mga taong nabiktima at lumalabag sa kanilang mga karapatan “ diin ni Gatchalian.

Nauna nang ibinunyag ng mambabatas na base sa datos ng National Bureau of Investigation (NBI), mayroong 65 kaso ng human trafficking mula sa 113 POGO-related cases na inimbestigahan ng ahensya mula 2017 hanggang Marso 2023.

“Batay sa nakababahalang pagtaas ng mga insidente ng human trafficking na iniuugnay sa mga POGO, kailangang suriing muli ang operasyon ng POGO sa Pilipinas, labanan at itigil ang mga krimeng ito, at arestuhin ang mga taong nasa likod nito,” giit ng senador.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -