26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Maigting na pagrepaso ng senior high school curriculum isinusulong ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Nais ni Senador Win Gatchalian ang mas maigting na ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang repasuhin ang senior high school program at tiyakin ang maayos na transition ng K to 12 graduates.

Nais ng senador na gawing bahagi ng inihain niyang Batang Magaling Act (2022) ang isang mekanismo ng pag-aaral sa pagitan ng tatlong ahensya. Sa ilalim ng panukalang batas, paiigtingin din ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, mga paaralan, at mga katuwang mula sa pribadong sektor upang tugunan ang mismatch sa pagitan ng K to 12 graduates at ang mga kailangan o demand ng labor market.

“Maaari nating gawing bahagi ng panukalang batas ang mekanismo upang pag-aralan ng tatlong ahensya ang senior high school curriculum. Maaari nating gawing mas maigting ang pag-aaral at gawing mas madalas ang mga pagpupulong, at gamitin ang mga resulta ng pag-aaral upang magabayan tayong mga policymakers,” ani Gatchalian.

Tinukoy niya ang ilan sa mga hamong kinakaharap ng mga senior high school graduates sa pagpasok sa kolehiyo ngunit nahihirapan sa kanilang pagpasok. Ayon sa isang tracer study ng DepEd, kabilang sa mga hamong kinakaharap ng mga senior high school graduates na pumapasok sa kolehiyo ang hindi pag-credit sa kanilang mga subjects.

Upang matugunan ang mga hamong ito, may ilang mga pamantasan at kolehiyo na nagpapatupad ng mga bridging program. ‘Yun nga lang dagdag gastos na naman ito sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya. Bukod dito, hindi lahat ng mga kolehiyo at pamantasan sa bansa ay merong ganitong programa.

Sabi ni Gatchalian, lumalabas na bagama’t 80% ng mga senior high school graduates ang nagpapatuloy sa kolehiyo, hindi pa rin sila handa para rito. Taliwas ito sa pangako ng K to 12 na gawing handa para sa trabaho at kolehiyo ang mga nagtapos nito.

Pinuna rin ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education na hindi lahat ng mga kursong inaalok ng DepEd ay may accreditation mula sa TESDA. Ani Gatchalian, nagiging dead end ito para sa mga kumuha ng Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track na hindi nakakakuha ng certification. Isang malaking balakid, aniya, sa paghahanap nila ng trabaho.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -