27.8 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Gatchalian hinimok ang DICT na maglatag ng plataporma para sa automation ng mga LGU

- Advertisement -
- Advertisement -

Nais ni Senador Win Gatchalian na maglatag ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng kinakailangang plataporma para sa mga marginalized local government units (LGUs) na i-automate ang kani-kanilang operasyon kabilang ang tax administration.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga na ang lahat ng mga LGU, lalo na ang mga nasa lower income class level, ay mayroong mga kinakailangang technology tools na magbibigay-daan sa kanila na ma-automate ang kanilang operasyon.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan habang inaayos ng Senate Committee on Ways and Means, na pinamumunuan niya, ang mga probisyon ng panukalang real property valuation reform measure na inaasahan niyang magpapabilis sa pag-automate o digitalization ng mga LGU sa buong bansa.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang pag-automate ng mga operasyon ng LGU ay naglalayong mapagbuti ang pangongolekta ng buwis at iba pang mga serbisyo publiko. “Alam nating lahat ang mga benepisyo ng digitalization sa panahon ngayon. Pero marami sa ating mga LGU lalo na ‘yung mga nasa malalayong lugar na wala silang kapasidad na magsagawa ng proseso ng digitalization. Sa ganitong mga kaso, dapat gawin ng DICT ang lahat ng kapasidad nito upang i-automate ang proseso ng transaksyon sa lahat ng mga lokal na pamahalaan,” ani Gatchalian.

Tinukoy ng Bureau of Local Government Finance (BLGF), isang attached agency ng Department of Finance (DOF), ang mga hamon na kinakaharap ng ilang LGU, kabilang na ang pagpopondo at ang hirap na kumonekta sa tax mapping at sa operation system ng mismong BLGF.

“Inaasahan natin na bukod sa maisasaayos na nang husto ang pangongolekta ng buwis, ang digitalization ng mga LGU ay magdudulot ng mas marami pang benepisyo sa kanilang mga nasasakupan na kalaunan ay makakatulong na mapasigla ang negosyo at ekonomiya sa kanilang lokalidad,” dagdag ni Gatchalian.

Nasa 68% lamang ng mga LGU sa bansa ang automated o digitized ang operasyon. Sa bilang na ito, 729 na LGU lamang ang may kasalukuyang proseso ng pag-aassess ng real property. Ang natitirang 32%, na karamihan ay 5th at 6th-class municipalities ay walang real property assessment-related system.

Sa ilalim ng iminungkahing Real Property Valuation and Assessment Reform (RPVAR) Act, ang BLGF ay inaatasan na bumuo, magpatibay, at magpatupad ng pare-parehong pamantayan na gagamitin ng lahat ng appraisers at assessors sa LGUs at iba pang ahensya ng gobyerno sa appraisal ng mga lupa, gusali, makinarya, at iba pang real property para sa pagbubuwis at iba pang layunin.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -