Mas mabigat na parusa kabilang ang kulong ang dapat ipataw kontra sa nuisance candidacy upang hadlangan ang mga masasamang salungatan sa pulitika na kung minsan ay humahantong sa hindi makatwirang pagkawala ng buhay, ayon kay Senador Win Gatchalian, habang dinidinig ng Senado ang mga detalye sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Noong nakaraang taon, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 1061 o An Act Providing Ground For Cancelling The Certificate Of Candidacy Of A Nuisance Candidate And Making The Acts Of A Nuisance Candidate An Election Offense. Sa ilalim ng panukalang batas, ang sinumang taong mapatunayang nagkasala ng anumang election offense, kabilang ang pagiging nuisance candidate, ay papatawan ng parusang kulong na hindi bababa sa isang taon pero hindi lalagpas sa anim na taon at hindi sasailalim sa probation.
“Ang ating panukala ay makakatulong na maibsan ang mga tensyon sa pulitika,” ani Gatchalian.
“Inaasahan natin na ang pagsasabatas ng panukalang ito ay makakatulong para mas maging mapayapa ang panahon ng kampanya at eleksyon hindi lamang para sa mga kandidato kundi sa ating mga mamamayan. Matagal na din tayong nagtitiis sa abala na dulot ng panggugulo ng mga nuisance candidates at mga pwersang sumusuporta sa kanila,” dagdag niya.
Ang iba pang parusa na itinakda sa panukalang batas ay ang diskwalipikasyon na humawak ng pampublikong tungkulin, pag-alis ng karapatang bumoto, at magbayad ng multang P50,000 sa Commission on Elections. Gayundin, ang sinumang partidong pulitikal na mapatunayang nagkasala ay magbabayad ng multang hindi bababa sa P10,000.
“Panahon na upang gawing kriminal ang mga nuisance candidates upang higit na maprotektahan ang integridad ng paghahalal sa mga pampublikong opisyal sa pag-asang ang proseso ay magtatapos sa karahasan sa pulitika sa bansa,” diin ng senador.
Si Degamo ay inihayag ng Comelec na nanalo noong 2022 Negros Oriental gubernatorial race matapos ilipat sa kanya ang mga boto na nakuha ng kandidatong si “Ruel G. Degamo” na idineklarang nuisance apat na buwan pagkatapos ng halalan. Kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng Comelec na ideklara si “Ruel G. Degamo” bilang isang nuisance candidate.