Manila, Philippines – Lumagda ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Mercury Drug Foundation Inc. (MDFI) ng isang Memorandum of Understanding (MOU) noong Marso sa MDFI Head Office para makatulong sa pagpapa-angat ng buhay ng maralitang sektor.
Itinatampok sa MOU ang pangako ng foundation na pagbibigay ng libreng gamot sa ilalim ng Oplan Bigay Lunas para sa mga Service Caravan ng komisyon na nakatakdang magpatuloy ngayong taon.
Mula 2019 hanggang 2022 ang mga service caravan ng komisyon ay nakatulong na sa humigit-kumulang 120,000 Pilipino sa buong bansa.
Sa pamamagitan nito at ng 4 Banner Programs ng PCUP, positibo si Undersecretary Elpidio R. Jordan, Jr. na maagap na maisasagawa ng komisyon ang mandato nito bilang suporta sa 8-point economic agenda ni Pangulong Bongbong Marcos at sa National Housing for Filipino Program (4PH) na inaasahang makapagpapatayo ng 6 million housing units para sa mga Pilipino.
Ang nasabing paglagda ay dinaluhan nina PCUP Executive Assistant III, Evita Pearl Jamon; PCUP DMO III Yvelen Moraña; MDFI Executive Director Annie Fuentes; MDFI Program Manager Adette Dizon; MDFI Trustee Jess Mangrobang; at MDFI Trustee Alice Lumanog.
Public-Private Partnerships
Mula noong 1986, ang PCUP ay ang direktang tagapag-ugnay sa pagitan ng mga maralitang tagalungsod at ng gobyerno sa paggawa ng mga polisiya at pagsasagawa ng mga programa laban sa kahirapan. Ang komisyon ay may tungkulin sa pagtatatag ng mga proyektong may kaugnayan sa asset reform, human development at basic social services, employment and livelihood, at iba pang programa ng gobyerno para sa sektor ng mga maralita.
Sa pamumuno ni Undersecretary Jordan, Jr., prayoridad ng komisyon ang pagbuo ng mas matibay na ugnayan sa pribadong sektor upang makatulong sa pag-streamline ng paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa maralitang lungsod.
Bago ang lagdaan kasama ang MDFI, nagkaroon din ng inisyal na pagpupulong ang komisyon ngayong 2023 kasama ang Philippine Red Cross; Department of Labor and Employment; POPCOM; Hope Foundation; at Ramon Aboitiz Foundation Inc. (RAFI).
Samantala, ang mga pribadong kumpanya at foundations na partners ng komisyon noong 2022 ay nasa proseso na ng pagbuo ng MOU para sa renewal.