Maliban sa suportang nagmumula sa iba’t ibang socioeconomic classes, suportado rin ng iba’t ibang age group, kabilang ang mga kabataang nasa edad para pumasok sa kolehiyo, ang pagpapatupad sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo.
Ibinahagi ni Senador Win Gatchalian ang detalyeng ito mula sa naging resulta ng isang Pulse Asia survey, kung saan lumalabas na 78% o halos walo sa 10 Pilipino ang sumusuporta sa pagpapatupad ng ROTC sa kolehiyo. Lumalabas sa naturang survey na 75% ng mga kalahok ng survey na 18-24 taong gulang ang sumasang-ayon sa pagbabalik ng ROTC sa kolehiyo. Ang naturang age group ang inaasahang makikilahok sa panukalang programa.
Suportado din ng nakararaming Pilipino na may iba’t ibang educational background ang panukala, kabilang ang mga nakapag-aral sa high school (74%), nakatapos ng high school (77%), mga nakapag-aral sa kolehiyo (79%), at mga nasa vocational education (83%).
“Malinaw na batay sa pag-aaral, suportado ng ating mga mamamayan ang panukalang ibalik ang ROTC. Sentimyento ito hindi lang ng ating mga magulang, kundi pati na rin ng ating mga kabataan,” ani Gatchalian, co-author at co-sponsor ng Senate Bill No. 2034.
Maliban sa paghahanda sa mga mag-aaral para sa pagtatanggol sa bansa, civil military operations, at law enforcement, layon ng Senate Bill No. 2034 o Reserve Officers’ Training Corps Act na paigtingin ang kakayahan ng mga mag-aaral na magbigay ng serbisyo sa panahon ng mga kalamidad at sakuna, kabilang ang disaster response operations, rescue and relief operations, at early recovery activities.
“Hindi lamang ang ating mga kabataan ang makikinabang sa ROTC, kundi ang buong bansa. Sa ilalim ng programang ito, paiigtingin natin ang papel ng mga kabataan bilang mga lider at mga aktibong miyembro ng lipunan, lalo na sa mga panahong haharapin natin ang mga sakuna, kalamidad, at anumang emergency,” dagdag ni Gatchalian.
Sa mga pabor sa pagbabalik ng ROTC, naniniwala silang tuturuan nito ang mga kabataan ng disiplina at pagiging responsable (71%). Naniniwala rin silang tuturuan ng programa ang mga mag-aaral na ipagtanggol ang bansa (60%).
Sa ilalim ng panukalang batas, kailangang kumuha ang mga undergraduate students ng Mandatory Basic ROTC sa loob ng apat na semestre.