26 C
Manila
Lunes, Disyembre 16, 2024

Gatchalian: Mga batang ina bigyan ng pangalawang pagkakataong ipagpatuloy ang edukasyon

- Advertisement -
- Advertisement -

Maliban sa patuloy na pagsugpo ng maagang pagbubuntis sa pamamagitan ng epektibong reproductive health education, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga batang ina upang maipagpatuloy ang kanilang edukasyon.

Ipinanawagan ito ni Gatchalian sa gitna ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso. Aniya, kailangang suportahan ang mga batang ina lalo na’t mataas ang posibilidad na matigil sila sa pag-aaral matapos nilang manganak. Ibinahagi ni Gatchalian ang mahalagang papel ng Alternative Learning System (ALS) para patuloy na mabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang mga batang ina.

Sa ilalim ng Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510) na isinulong ni Gatchalian, institutionalized na at pinalawak na ang ALS upang mabigyan ang mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mga mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples, ng pagkakataong magkaroon ng basic at functional literacy at life skills. Mandato rin ng naturang batas na mabigyan ang mga mag-aaral na ito ng mga alternatibong paraan upang makatapos ng basic education.

Ayon sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFS5) ng University of the Philippines Population Institute (UPPI), patuloy ang pagbaba ng mga kaso ng maagang pagbubuntis ng mga kababaihang may edad na 15 hanggang 19. Mula 14.4% noong 2013, 7.2% na lamang ng mga batang kababaihan sa naturang age group ang nabuntis noong 2021.

Ngunit nababahala pa rin ang Commission on Population and Development (POPCOM) na nananatiling mataas ang bilang ng mga batang inang may edad na 10 hanggang 14. Noong 2021, 2,299 na mga babaeng may edad na 10 hanggang 14 ang nanganak, mas kaunti nang bahagya sa 2,534 na naitala noong 2020.

Sa ilalim ng 2023 national budget, P10 milyon ang nakalaan para sa social protection program para sa adolescent mothers at kanilang mga anak. Bahagi ng programa ang mga estratehiya at hakbang na binalangkas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), POPCOM, at iba pang mga ahensya.

“Isa sa mga epekto ng maagang pagbubuntis sa mga batang kababaihan ang pagtigil nila sa pag-aaral at ang kawalan ng oportunidad na magkaroon ng maayos na hanapbuhay. Habang patuloy nating sinusugpo ang maagang pagbubuntis, mahalagang itaguyod din natin ang kapakanan ng mga batang ina upang mabigyan sila ng pangalawang pagkakataong magkaroon ng magandang kinabukasan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -