Ibinigay ni Senador Win Gatchalian ang kanyang buong suporta sa hakbang ng Department of Energy (DOE) na humikayat ng investments sa industriya ng liquified natural gas (LNG) sa lalong madaling panahon upang matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa bansa.
“Makakabuti ang LNG para sa seguridad ng enerhiya ng bansa ngayon at suportado natin ang hakbang ng DOE hinggil sa pagpapatayo ng LNG terminals para matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente ngayong taon, lalo na’t paubos na ang suplay mula sa Malampaya,” sabi ni Gatchalian. Ang service contract ng Malampaya gas field ay inaasahang magtatapos sa 2024 maliban na lang kung palalawigin.
Ang nauubos na suplay mula sa Malampaya ay inaasahang mag-iiwan ng malaking kabawasan sa kabuuang suplay ng kuryente sa bansa. Ang Malampaya kasi ang nagsu-suplay ng halos 25% ng kuryente sa Luzon at 18% sa buong Pilipinas, sabi ni Gatchalian. Dagdag pa niya, ang LNG ay itinuturing na isang transition fuel habang nagkukumahog ang buong mundong mamuhunan sa renewable energy o RE.
“Ang pagtatatag ng mga pasilidad ng LNG ay tumutugon sa inaasahang kakulangan sa suplay ng kuryente ng bansa sa medium o short term. Tiyak, isa ito sa mga intervention project na kailangan natin upang tugunan ang paubos na suplay,” sabi ni Gatchalian.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 152 na nagtatadhana para sa National Energy Policy and Framework for the Development and Regulation of the Philippine Midstream Natural Gas Industry. Ang panukalang batas na ito ni Gatchalian ay nagbibigay-daan sa pakikilahok ng pribadong sektor, nagbibigay ng flexibility para sa gobyerno na umangkop sa kondisyon ng merkado, at tinitiyak ang interes ng mga mamimili habang hinihikayat ang transparency at kompetisyon.
Batay sa datos ng DOE, ang generation share ng natural gas noong 2021 ay 18,675 gigawatt hours (GWh) mula sa 106,115 GWh o 17.60% ng kabuuang power generation sa bansa. Noong Nobyembre ng nakaraang taon, mayroong 5 power plants na pinagagana ng natural gas mula sa Malampaya. Ito ay ang Avion na may 130.8 megawatt (MW) na kapasidad, San Gabriel na may 442.9 MW, San Lorenzo na may 586.5 MW, Santa Rita na may 1133.9 MW, at Cebu-Land based GT na may 55 MW para sa kabuuang kapasidad na 3,732 MW.
Sa ngayon, inaprubahan na ng DOE ang pitong LNG terminal projects: FGEN LNG Corporation, Linseed Field Corporation, Energy World Gas Operations Philippines Inc., Excelerate Energy L.P., Vires Energy Corporation, Shell Energy Philippines, Inc., at Samat LNG Corporation . Ang mga terminal ng LNG mula sa FGEN LNG at Linseed ay inaasahang magbibigay ng LNG sa mga kasalukuyang planta ng gas.