Hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na paigtingin pa ang mga mekanismo nito sa pag-ulat ng mga kaso ng bullying sa mga paaralan sa bansa.
Nababahala si Gatchalian na hindi nagtutugma ang datos ng DepEd sa resulta ng mga international large-scale assessment patungkol sa bullying. Ayon sa senador, lumalabas na malaking bilang ng mga kaso ng bullying ang hindi naiuulat.
Sa isang pagdinig hinggil sa pagrepaso ng pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627), iniulat ng DepEd na patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng bullying mula School Year (SY) 2014-2015, kung saan may 5,624 na kaso ang naitala. Naitala noong SY 2018-2019 ang pinakamataas na bilang ng kaso ng bullying na umabot sa 21,521. Bumaba ito noong SY 2019-2020 kasunod ng pagpapatupad ng distance learning at kawalan ng face-to-face classes.
Ngunit batay sa resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), 65% ng mga mag-aaral na 15-taong gulang ang nakaranas ng bullying ng ilang beses sa isang buwan. Kung ihahambing sa 78 pang bansa, ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng mga insidente ng bullying.
Lumabas din sa resulta ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) na 62.5% ng mga Pilipinong mag-aaral sa Grade 5 ang nakaranas ng bullying. Kung ihahambing muli sa ibang bansa sa Southeast Asia, lumalabas na ang Pilipinas ang may pinakamaraming insidente ng bullying na naitala.
“Kung titignan natin ang resulta ng PISA at SEA-PLM ang nakikita natin mahigit 60%, hindi man lang aabot ng isang porsyento ang 11,000 ng kabuuang populasyon ng mga estudyante, kaya merong discrepancy. Kung titignan natin ang datos ng DepEd ang layo. Kung ang large-scale examinations ang pagbabatayan ay umaabot ng mahigit 65% ang mga kaso. Kung itutumbas natin ito sa populasyon ng mga mag-aaral, 17.5 milyon ang pinag-uusapan natin kumpara sa 11,000. Paano natin pagtutugmain ang mga numero?” tanong ni Gatchalian.
“Prayoridad natin na paigtingin ang mga mekanismo sa pag-ulat dahil maraming mga mag-aaral ang hindi nag-uulat at natatakot. Nakikita natin na hindi nagtutugma ang nakakalap na datos at sa mga resulta ng large scale international assessments. Dahil dito, lumalabas na hindi nagiging epektibo ang mga units natin sa mga paaralan,” pahayag ng senador.