Narito po ang aking opisyal na mensahe, patungkol sa aking pagbitaw sa kahit anumang responsibilidad sa pagsusulong ng Regional Cooperation Economic Partnership (RCEP).
Merong kung anong pwersa na nag-uudyok na madaliin ang RCEP o Regional Comprehensive Economic Partnership; idinidikdik ito na para bang ang Pilipinas na lang ang hindi pa pumipirma.
Bilang Chairperson ng Foreign Relations Committee—ginawa ko ang lahat ng pagsasaliksik, konsultasyon at pagdinig para sa sektor ng agrikultura at maliliit na negosyo. Nababahala sila na walang aalalay sa kanila sa pandaigdigang kalakalan, hindi na nga sila makahinga sa malawakang smuggling, hoarding at panloloko, hindi pa rin naibibigay ang mga pangangailangan ng mga magbubukid pansagot sa mass importation.
Sa kasamaang palad, nabibigo ang DA, Customs at DTI sa pagsagot sa mga ito.
Bilang isang probinsyana, anak ng agrikultura, hindi kaya ng aking konsensya na tayuan ang RCEP kung padadapain nito ang ating mga kababayan; iminungkahi ko na bumuo ng isang subcommitte na mas hihimay sa mga saloobin ng mga magsasaka, mangingisda at mga maliliit na negosyante.
Lahat ng ito ay dulot ng aking paninindigan hindi bilang kapatid ng nasa kapangyarihan, kundi bilang anak ng legasiya ng aking ama na laging unahin ang nakararami at mas nangangailangan.