29.9 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Paggamit sa lokal na wika sa pagtuturo hindi pinapaboran ng mas maraming Pilipino ayon sa survey – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Wala pang kalahati sa mga Pilipino ang pabor sa paggamit ng lokal na wika para sa pagtuturo sa Grade 1 hanggang Grade 3. Ito ang naging resulta ng isang survey na kinomisyon ni Senador Win Gatchalian.

Sa survey na isinagawa sa 1,200 na respondents noong Setyembre 17-21, 2022, tinanong sila kung anong wika o mga wika ang dapat gamiting primary language of instruction sa pagtuturo sa Grade 1 hanggang Grade 3. Lumalabas na 38% lamang ang pumili sa lokal na wikang ginagamit sa isang rehiyon, 88% sa mga kalahok ang pabor sa paggamit ng Filipino, habang 71% ang pabor sa paggamit ng Ingles.

Hindi bababa sa kalahati ng mga kalahok sa Visayas (50%) at Mindanao (53%) ang pabor sa paggamit ng lokal na wika para sa pagtuturo sa Grade 1 hanggang Grade 3. Samantala, 18% lamang ng mga kalahok mula National Capital Region (NCR) at 33% mula sa Luzon ang pabor sa paggamit sa lokal na wika. Hindi rin umabot sa kalahati ng mga kalahok mula Class ABC (41%), D (36%), at E (48%) ang pabor sa paggamit ng lokal na wika sa pagtuturo sa Grade 1 hanggang Grade 3.

Ayon kay Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy niyang isusulong ang pagrepaso sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na mandato ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law. Matatandaang inihain ni Gatchalian noong nakaraang taon ang Proposed Senate Resolution No. 5 upang repasuhin ang pagpapatupad ng K to 12 Law.

Sa ilalim ng batas, gagamit ng lokal na wika sa pagtuturo at assessment ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3. Mandato rin sa Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng mother language transition program mula Grade 4 hanggang Grade 6. Pagtungtong sa high school, Filipino at English na ang gagamiting wika sa pagtuturo.

“Batay sa nakikita natin sa kakayahan ng ating mga paaralan at sa sentimyento ng ating mga kababayan, kinakailangang pag-aralan kung ano ang mga susunod na hakbang natin sa paggamit ng mother tongue. Kung ipagpapatuloy man natin ang polisiyang ito, kailangan nating tugunan ang mga hamong kinakaharap nito,” said Gatchalian.

Sa isang pandinig sa pagpapatupad ng MTB-MLE noong nakaraang taon, lumabas na 72,872 lamang sa target na 305,099 educators ang dumaan sa training. Kabilang dito ang mga supervisor, school heads, at mga guro mula kindergarten hanggang Grade 3.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -