25.6 C
Manila
Lunes, Disyembre 23, 2024

Mensahe ni Gatchalian sa National Book Week: Kakayahan ng mag-aaral na bumasa paigtingin

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa gitna ng pagdiriwang ng National Book Week mula Nobyembre 24-30, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng mga programang magpapaigting sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa.

Matatandaan na bago pa sumiklab ang pandemya ng COVID-19, lumabas sa mga international large-scale assessments na napag-iiwanan na ang mga Pilipinong mag-aaral ng mga mag-aaral sa ibang bansa. Sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan halos walumpung (79) mga bansa ang lumahok, Pilipinas ang may pinakamababang marka pagdating sa Reading o Pagbasa. Ayon pa sa PISA, isa lamang sa limang mag-aaral na labinlimang taong gulang ang maituturing na nakakuha ng minimum proficiency sa Overall Reading Literacy.

Sa resulta naman ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), 10 porsyento lamang ng mga mag-aaral sa bansa ang may minimum proficiency sa pagtatapos ng kanilang primary education.

Tinataya naman ng World Bank na buhat noong Hunyo 2022, ang learning poverty sa bansa ay pumalo na sa 90.9 porsyento. Ang learning poverty ay ang bilang ng mga kabataang sampung taong gulang na hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kwento. Giit pa ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, nagdulot ng learning loss ang kawalan ng face-to-face classes.

“Ang pagbabasa ay isa sa mga pundasyon na dapat nating pagtibayin sa ating mga kabataan at mag-aaral. Ngayon natin higit na kinakailangang tutukan ang kanilang pagbabasa lalo na’t pinalala ng pandemya ang problema sa ating sektor ng edukasyon,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Upang tugunan ang naging pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 150 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act na layong magpatupad ng pambansang programa para sa learning recovery. Magiging bahagi ng naturang programa ang mga tutorial sessions. Bibigyan ding prayoridad ng programa ang Reading upang hasain ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral.

Ipinapanukala din ni Gatchalian na ideklara ang Nobyembre bilang National Reading Month. Sa Senate Bill No. 475, iminimungkahi ni Gatchalian ang pagkakaroon ng mga nationwide reading programs at activities bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Reading Month. Ito ay upang isulong ang kultura ng pagbabasa sa mga mag-aaral ng basic education at kanilang mga komunidad.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -