QUEZON CITY, Metro Manila — Mahigit 100 araw lang nang magsimulang manungkulan bilang chairperson ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), nagawang pakilusin ni Undersecretary Elpidio Jordan, Jr. ang ahensya tungo sa pagtupad ng mandato nito, kabilang na ang paghahanda sa nalalapit na Urban Poor Solidarity Week (UPSW) sa Disyembre at planong pagpapatupad ng kanyang apat na banner programs sa susunod na taon.
Sa regular na lingguhang flag ceremony nitong nakaraang Lunes, binigyang pansin ng mga opisyal at kawani ng Komisyon ang pagpapabalik ni Usec. Jordan sa tamang direksyon ng paglilingkod sa mga sektor ng mahihirap tungo sa pagtupad ng mandato nitong manilbihan sa mga urban poor community at informal settler families (ISFs) sa iba’t ibang panig ng kapuluan.
Batay sa mga testimonya at pagbabahagi ng mga divisions head ng ahensya, kabilang na ang mga hepe ng iba’t ibang field operations division sa NCR, Luzon, Visayas at Mindanao, nagpasalamat sila sa bagong chairperson sa kanyang 100 araw na pamumuno na nakasuporta sa poverty alleviation program ng bagong administrasyon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
“Sa halip na maging boss na nangangasiwa lang at nag-uutos sa ating mga kawani kung ano ang kanilang gagawin, naging mapagkumbaba siya na makipagtulungan sa kanya para magkaroon ng inisyatibo ang lahat na gawin ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang kakayahan,” ibinahagi ng mga testimonya.
Sa pagtugon, isinantabi ng chief-executive-officer ng PCUP ang mga parangal at papuring ibinigay sa kanya at sa halip ay krinedito ang kanyang pagpupursiging magtagumpay sa pagtupad ng kanilang mandato mula sa inspirasyong kanyang nararamdaman mula sa kanilang commitment na gawin ang mga bagay na magiging kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan, partikular na ang mga maralitang tagalungsod.
“Hindi ko magagawa ang mga ito kung wala ang katapatan at dedikasyon na aking nakita sa ating mga kawani na walang pagod na ibinibigay ang kanilang buong makakaya para sa kapakanan ng ating mahihirap na mamamayan,” pinunto ng pangalawang kalihim.
Sa huli, nangako siyang hindi niya pababayaang maglaho ang pag-asa at mga aspirasyon hindi lamang ng mahihirap kundi maging ang bawat empleyado ng PCUP na nagnanais na bumuti ang kanyang pamumuhay at maging maayos ang kinabukasan.
“Isang pamilya tayo at hindi natin kalilimutan ang ating kapakanan dahil kung magagawa nating isulong ang makakabuti para sa bawat isa sa atin, nakaambag na tayo sa pagpapalago at pag-angat ng ating bansa. I feel very much happy with my PCUP family but there are times when sadness creeps in and because of this . . . I miss my own family terribly,” kanyang pagtatapos.