INTRAMUROS, Maynila — Nangako ang Department of Labor and Employment (DoLE) na susuportahan ang inisyatibo ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) commissioner in-charge for the National Capital Region Reynaldo Galupo na layuning madagdagan ang workforce ng PCUP sa pagtupad ng mandato nito na maglingkod sa sektor ng mahihirap sa bansa, partikular na ang mga maralitang tagalungsod.
Sa pagtiyak na magtatagumpay ang PCUP sa mga layunin nitong matutukan ang mga maralitang mamamayan, nakipagpulong ang NCR commissioner kay DoLE Bureau of Workers with Special Concerns executive director Ahmma Charisma Lobrin-Satumba upang mapag-usapan ang mga posibilidad na mapasama ang mga piling urban poor sa Government Internship Program (GIP) at Special Program for the Employment of Students (SPES) ng kagawaran ng paggawa.
Una rito, nakipagpulong na si PCUP chairperson at chief-executive-officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. kay DoLE Workers’ Welfare and Protection Cluster assistant secretary Dominique Rubia-Tutay at labor employment officer Erickson Mag-isa para mapag-usapan kung paano mapapalawig ang pagtutulungan ng dalawang ahensya at mabigyan ng mas malawak na ugnayan para sa mga maralita na nagnanais na magkaroon ng oportunidad sa hanapbuhay at trabaho.
Kaugnay din ng pagdiriwang ng taunang Urban Poor Solidarity Week (UPSW) na gaganapin sa Disyembre sa Mandaluyong City at Masbate, nakatakdang lumagda ang PCUP at DoLE ng isang memorandum of agreement (MoA) upang mapagtibay ang tambalan sa paglilingkod sa sektor ng mahihirap sa buong bansa.
Samantala, ipinaliwanag ni Dr. Lobrin-Satumba na sa ilalim ng GIP at SPES, binibigyan ng tatlo hanggang anim na buwang oportunidad ang mga estudyanteng nakapagtapos ng high school, technical-vocational o kolehiyo para magkaroon ng career sa serbisyo publiko alin man sa pamahalaang lokal o nasyonal.
Bukod sa GIP at SPES, hiniling din ni Comm. Galupo ang pagpapatupad ng TUPAD para sa mga benepisyaryo na tinukoy ng PCUP upang mabigyan sila ng ayudang magbibigay daan na maka-recover sila sa paghina ng ekonomiya dulot ng pandemyang coronavirus sa nakalipas na tatlong taon.
Ito’y sinang-ayunan ni Dir. Lobrin-Satumba na pinunto ang kapasidad ng PCUP na tukuyin ang mga karapat-dapat na benepisyaryo na maaaring mabigyan ng community-based package of assistance upang mabigyan ng emergency employment ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho o sa ngayo’y underemployed o nasa ilalim ng seasonal employment.
Sa ngayon, ang PCUP ay nasa pangangasiwa ng bagong administrasyon sa pamumuno ni Usec. Jordan Jr. at sa pagtupad ng madato nitong makatulong sa mga maralita, nangako ang pangalawang kalihim na susuportahan ang poverty alleviation program ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.