KAWIT, CAVITE — Sa pagtupad ng mandatong iugnay ang mga maralitang tagalungsod at informal settler family (ISF) sa kaukulang mga ahensya ng pamahalaan alinsunod sa poverty alleviation program ng administrasyong Marcos, matagumpay na naisagawa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Cooperative Development Authority (CDA) ang Cooperative Pre-Membership Seminar para sa mga miyembro ng urban poor community organization sa dalawang barangay sa Kawit, Cavite.
Ayon kay Project Development and Resource Mobilization Unit (PDRMU) chief Rosemarie Makimkim, isinagawa ang seminar ayon sa mandato ng PCUP na makapagbigay ng oportunidad sa pangkabuyhayan sa mga maralitang sektor ng bansa sa pamamagitan ng pag-organisa sa kanila na maging kooperatiba na magbibigay ng mas magandang pamamaraan para mapaigi ang kanilang pamumuhay.
Pinangunahan ni CDA cooperative development officer Ismael Fambula ang seminar na dinaluhan ng 27 kinatawan ng Kawit Community Urban Poor (K-CUP) mula sa barangay ng Aplaya at Magdalo Putol na pinamunuan ng kanilang pangulo sa pangkalahatan na si Jessie Florendo.
Pinunto ni Makimkim sa mga nagsipagdalo sa seminar na tanging sa pag-oorganisa para maging kooperatiba na magkakaroon sila ng oportunidad para makamit ang mas maunlad na pamumuhay at makakuha din ng karagdagang tulong mula sa pamahalaan at gayun din ang financial loan kung kailangan pa nila ng pondo para sa kanilang proyekto.
Bilang tugon naman, nagpasalamat si Florendo sa PCUP at CDA sa pagpupursigi nitong matulungan silang magkaroon ng kooperatiba at pagbibigay ng mga seminar at pagsasanay para matupad ang kanilang mithiing mapalawig ang kanilang Aplaya Livelihood Garment Incorporated na kanilang naitatag at ang pagpapatuloy ng kanilang laundry start-up project sa Magdalo Putol.
“Malaking bagay ang nagawa dito sa amin ng PCUP dahil sila ang nagbigay daan para makakuha kami ng pondo mula sa gobyerno upang makapagsimula kami at ngayon nama’y makakapagtatag na kami ng kooperatiba para sa sariling hanapbuhay na magpapaangat sa aming pamumuhay,” aniya.
Samantala, pinuri naman ni PCUP chairperson Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ang inisyatibo ng PDRMU na makapagbigay ng oportunidad sa pangkabuhayan sa mga maralita ng Kawit sa tulong ng CDA at idiniin pa nito na ito ay makakatulong ng malaki sa poverty alleviation program ni Pangulong Ferdinand’ ‘Bongbong’ Marcos Jr.
“Ito ang uri ng proyekto na makakatulong sa mga maralita na labanan ang kahirapan dahil sa pamamagitan nito ay mabibigyan natin ang ating mahihirap na kababayan ng paraan para makamit ang magandang kinabukasan,” wika ni Jordan.