25.4 C
Manila
Martes, Disyembre 31, 2024

DoS, CeLA ipinamahagi sa 53 maralitang pamilya sa Caloocan City

- Advertisement -
- Advertisement -

CAMARIN, Lungsod Caloocan — Dinaluhan ng mga kinatawan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pamumuno ni Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ang pamamahagi ng mga deed of sale at certificate of lot awards (CeLA) sa mga maralitang pamilya na benepisyaryo ng Camarin I at II Project ng pamahalaang lungsod ng Caloocan.

Ang aktibidad, na alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa poverty alleviation, ay nilahukan ni PCUP commissioner for the National Capital Region (NCR) Rey Galupo, kasama ang ilan pang mga opisyal sa pangunguna ni Mayor Dale ‘Along’ Malapitan na siyang namahagi ng mga DoS at CeLAsa sa 53 urban poor family na napili ng pamahalaang lungsod.

Sa gitna ng mahabang proseso at mga requirement para mabigyan ng mga titulo, ang CeLA ay interim instrument na magbibigay sa nasabing mga pamilya ng secure tenure sa pamamagitan ng karapatang mabili ang mga lote mula sa mga may-ari, sa kasong ito ang National Housing Authority (NHA), na kung saan nakatirik ang kanilang mga tahanan. Ang mga CeLA ay non-transferable liban sa mga miyembro ng pamilya sa usapin ng succession.

Inilabas ang mga CeLA kasunod ng pag-apruba ng NHA sa disposisyon ng mga ari-arian ng pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga home lot sa kwalipikadong mga benepisyaryo.

Ang Camarin I at II Project ay may lawak na 166 na ektarya na sakop ng mga Transfer Certificate of Title (TCT) na Numero C-9329, 13850, 13851 at 20754 na inilabas ng Caloocan City Registry of Deeds at sumasailalim ito ng hurisdiksyon ng Barangay 174, 175, 177 at 178.

Sa ilalim ng Deed of Donation and Acceptance (DoDA) noong Marso 5, 1995, inaprubahan ng NHA ang transfer ng lahat ng mga project component, kabilang na ang balanse ng mga receivable mula sa mga benepisyaryo at social lots for sale na pabor sa pamahalaang lungsod.
Nagresulta ang DoDA, sa pagkakaloob sa Caloocan City ng pag-aari, pangangasiwa at disposisyon ng mga lote, sa ilalim ng approval ng Beneficiary Selection Awards and Arbitration Committee (BSAAC) na nilikha para pangasiwaan ang pagpili ng mga awardee alinsunod sa guidelines na naitakda sa ilalim ng batas.

Nagpahayag ng kasiyahan si Galupo sa pamamahagi ng mga DoS at CeLA sa mga maralitang pamilya, na kanyang nasaksihang tuwang-tuwa sa tulong na ipinagkaloob sa kanila ng kanilang LGU at gayundin ng PCUP.

“Ito ang sinasabi nating taos-pusong pagtulong sa ating mga maralitang kababayan na hindi lamang nangangailangan ng ayudang pinansyal kundi pabahay din para mapangalagaan nila ang kanilang mga pamilya. Makakaasa ang taong bayan na hindi lang hanggang dito ang aming gagawin dahil maging pagbibigay ng oportunidad para sa magandang paghahanapbuhay ay patuloy naming binabalangkas at ipinapatupad,” pagdidiin ng PCUP NCR commissioner.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -