32.5 C
Manila
Miyerkules, Nobyembre 27, 2024

Gatchalian: Ibalik ang budget cut ng NBI; paigtingin ang laban kontra cybercrimes

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa layuning mapaigting ang laban ng bansa kontra sa mga insidente ng cybercrime, kumilos si Senador Win Gatchalian upang ibalik ang natapyas na pondo ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa susunod na taon.

Nagpahayag ng pagkabahala ang senador matapos na bawasan ang 2023 budget ng ahensya batay sa National Expenditure Program (NEP). Mula sa aktwal na pondong P2.3 bilyon ngayong taon, lumiit ito sa P1.8 bilyon para sa 2023.

Dahil dito, nabawasan din ng halos bente porsyento ang pondong inilaan para sa anti-cybercrime enforcement unit ng NBI para sa susunod na taon. Bumaba ito sa P21.2 milyon mula sa budget ngayong taon na P26.4 milyon. Kritikal ito, ani Gatchalian, dahil maaaring maapektuhan ang operasyon laban sa cybercrimes lalo na sa panahong patuloy na tumataas ang insidente ng credit card fraud, identity theft, at paglaganap ng mga spam at phishing messages. Dagdag pa ng senador, ngayon higit na kailangan ng mas mataas na pondo para dito habang inaasahan ang nalalapit na pagpasa sa senado ng SIM Registration bill.

“Ang mga insidente ng cybercrime ay umuusbong sa maraming teritoryo kabilang ang Pilipinas. Ang nais natin ay maging advanced ang NBI para labanan at matunton ang mga kawatan kaya kailangang kumpleto ang gamit nila,” ani Gatchalian.

“Gagawin namin ang aming makakaya upang maibalik ang halaga na nabawas sa panukalang budget,” ayon kay Gatchalian bilang suporta sa pagsisikap ng NBI laban sa cybercrime.

Sinabi din ni Gatchalian na ang napipintong pagpasa ng mandatory registration ng mga SIM card ay inaasahan din na magbibigay-daan sa NBI na epektibong maipatupad ang anti-cybercrime campaign nito.

Binigyang-diin ng senador na ang malaking pagbawas sa bilang ng mga cybercrimes sa bansa ay makatutulong sa pagpapahusay ng digital revolution sa bansa at pagpapatibay sa pagbangon ng ekonomiya.

“Kailangan nating magbigay ng nararapat na suporta sa NBI para mapigil ang mga kawatan na lalo pang nagiging sopistikado na ngayon. Kung nais nating paigtingin ng ahensiya ang pagpuksa nila ng cybercrimes, ibigay natin ang lahat ng nararapat na suporta sa kanila,” pagtatapos ni Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -