Sa pagbubukas ng School Year 2022-2023, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at magpatupad ng mga hakbang tungo sa tinatawag na “learning recovery.”
Ang pagbisita ni Gatchalian sa Marulas Central Elementary School at Valenzuela National High School sa Valenzuela City ngayong araw ay para suriin ang kahandaan ng mga paaralan, mga guro, at mga mag-aaral sa gitna ng nananatiling banta ng COVID-19.
Sabi ng Chairman ng Committee on Basic Education, ang pagpapalawig sa COVID-19 vaccination coverage sa mga mag-aaral ay nananatiling isa sa mga pinakamahalagang hakbang upang maiwasang kumalat ang sakit sa mga paaralan. Malaking hamon, ani Gatchalian, ang pagbabakuna ng mga mag-aaral na may edad na lima (5) hanggang labing-isa (11). Batay kasi sa pinakahuling datos mula sa Department of Health (DOH) National Vaccination Operations Center ngayong Agosto, wala pang tatlumpung (26.94) porsyento ng mga kabataang may edad na lima (5) hanggang labing-isa (11) ang fully vaccinated na laban sa COVID-19. Samantala, higit na pitumput anim na (76.41) porsyento ng mga mag-aaral na may edad labing dalawa (12) hanggang labing-pito (17) ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
“Humanap tayo ng mga bagong paraan, makipagtulungan tayo sa DOH at mga lokal na pamahalaan, tignan natin kung makakapaglagay tayo ng mga vaccination site sa mga paaralan, at hikayatin natin ang mas marami pang mga kabataan upang magpabakuna,” mungkahi ng senador.
Muli rin niyang iginiit sa DepEd na tutukan ang “learning poverty” sa bansa. Buhat nitong Hunyo 2022, tinataya ng World Bank na ang learning poverty sa bansa ay mahigit siyamnapung (90.9) porsyento na. Ibig sabihin, siyam sa sampung batang may edad na sampu (10) ang hindi marunong bumasa at umunawa ng simpleng kwento.
Upang tugunan ang learning loss at ang pinsalang dulot ng pagsasara ng mga paaralan, inihain ni Gatchalian ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Senate Bill No. 150) na maglalatag ng pambansang programa para sa learning recovery. Tututukan ng panukalang ARAL Program ang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grades 1 hanggang 10, at Science para sa Grades 3 hanggang 10. Bibigyang prayoridad naman ang Reading o Pagbasa upang mahasa ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral.
“Tayo po ay nakamonitor sa estado ng mga paaralan upang siguruhing bukod sa ligtas ang muling pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang klase ay mabibigyan sila ng dekalidad na edukasyon tungo sa hangaring walang mag-aaral ang mapag-iiwanan, may kapansanan man o wala,” sabi ni Gatchalian.
Ang Marulas Central Elementary School at Valenzuela National High School ay ilan lamang sa mga paaralang nagpapatupad ng Inclusion Program kung saan kasama ang mga mag-aaral na may kapansanan.