26.7 C
Manila
Sabado, Disyembre 21, 2024

BBM: Murang bigas sa bawat hapag-kainan ng pamilyang pinoy

- Advertisement -
- Advertisement -

TINIYAK ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na magkakaroon ng murang bigas na hanggang P20 kada kilo sa kanyang administrasyon matapos siyang manalo sa darating na halalan sa Mayo 9.

Ayon kay Marcos, isa sa pangunahing layunin niya ay magkaroon ng subsidiya ang presyo ng bigas sa loob ng isang taong panunungkulan nito sa Malakanyang.

Aniya, sisiguraduhin niyang hindi na aabot sa P40 kada kilo pataas ang presyo ng bigas sa bansa, kundi pipilitin niyang ibaba ito mula P20 o hanggang P30 kada kilo.

Para mangyari ito ay ipag-uutos niya na magkaroon ng imbentaryo ng ani ng palay sa Pilipinas.

Kasunod nito ay maglalabas siya ng executive order para atasan ang Department of Agriculture at National Food Authority na bilhin ng pamahalaan ang lahat ng aning bigas ng mga magsasaka.

Naniniwala si Marcos na isa ang paraang ito upang matuldukan ang pagsasamantala ng rice cartel sa Pilipinas kung saan ay may ilang abusadong grupo ang nagkokontrol sa presyo ng bigas sa merkado.

Ipapa-amyenda ni Marcos ang Rice Tariffication Law at hanggat maaari ay hindi na tatangkilikin ang pag-angkat ng bigas sa labas ng bansa.

“Hindi natin kailangang mag-import ng bigas kung sapat naman ang supply ng ating magsasaka dahil ang dapat mas pinapalakas pa natin ang pagtanim at pag-ani ng ating mga bigas,” ani Marcos.

“Kapag nangyari, matitiyak na ang hanapbuhay ng ating magsasaka,” wika pa niya.

Nilinaw nito na kikilalanin ng Marcos administration ang mga pandaigdigang kasunduan pangkalakalan na pinasok ng bansa, ngunit prayoridad muna dapat ang mga produkto ng magsasakang Pinoy.

Padaragdagan din ni Marcos ang pondo ng Department of Agriculture at isusulong din niya nang husto ang Free Irrigation Law.

“Masyado nang kawawa ang ating magsasaka dahil hindi pa nga sila sinasamantala ng bagyo at kalamidad ay may delubyo nang dumarating sa kanila dahil ultimo patubig ay sinisingil pa sa kanila,” sabi pa ni Marcos.

Idinagdag nitong magkakaroon din ng maramihan, malakihan at government-owned na ‘storage facilities’ sa Pilipinas para hindi na basta-basta nalulugi ang mga maliliit na magsasaka sa oras ng anihan.

“Walang problema sa privately owned na bodega, ‘wag lang sanang abusuhin ang mga magsasaka sa mahal na pagsingil sa kanilang pagbobodega,” sabi pa niya.

Pakikilusin ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan barangay hanggang local government unit upang sila mismo ang maging ‘middle man’ sa pagbili ng national government sa lahat ani ng bigas na siyang magiging daan para ibenta ito ng pabalik sa merkado.

Pati presyo ng fertilizer ay dapat ibaba kasabay ng pagbibigay katiyakan na mismong ang gobyerno ang magpapautang nito sa murang halaga para sa mga magsasaka.

Higit sa lahat, ang research and development patungkol sa pagsasaka ay patuloy na palalawakin sa buong bansa upang magamit ang makabagong kaalaman at teknolohiya sa larangan ng pagsasaka.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -