DETERMINADO si presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na kailangang pagandahin at ayusin ang sektor ng transportasyon sa Bicol Region kaya ito ang isa sa magiging prayoridad niya sakaling manalo sa halalan sa Mayo 9.
Aniya alinsunod ito sa kanyang adhikain na palaganapin at palakasin pa ang mass transport system sa bansa para na rin sa mas mabilis at maayos na biyahe ng mga tao at produkto na magreresulta naman sa mas maunlad na kalakalan at ekonomiya.
“Madalas nating marinig noon ang salitang ‘Bicol Express’ patungkol sa mga tren na bumibyahe sa rehiyon. Sa paglipas ng panahon ay naging palasak na lang ang katagang ito na tumutukoy sa pangunahing sistema ng transportasyon na ngayon ay bilang isang masarap na pagkain ng mga Bicolano,” ani Marcos.
“Ibabalik natin ang Bicol Express ng higit na maayos at epektibo sa panahon ng ating panunungkulan,” paniniguro pa ni Marcos sa mga Bicolano.
Matatandaan na ang Philippine National Railways (PNR), isang kumpanya na pag-aari ng gobyerno, ay itinatag noong 1875 bilang Ferrocaril de Manila-Dagupan at may inisyal na ruta sa Pangasinan.
Pitong taon ang nakalipas, itinayo ang riles na nagkokonekta sa Dagupan at Legazpi na naging sikat sa mga biyahero dahil sa mas mura ito sa eroplano at mas mabilis naman sa biyahe sa kotse.
Noong 1931 naman, binuksan ang Manila-to-Bicol route, at sumikat sa bansag na “Bicol Express.”
Pero, unti-unting nasira at napabayaan ang naturang ruta hanggang sa tuluyan na itong nawala matapos ang mga kalamidad tulad ng bagyo at pagsabog ng Bulkang Mayon at pati na rin ang pagsulputan ng mga air-conditioned bus.
Noong 2006, matinding nasira ang naturang mga riles ng tren dahil sa pagtama sa bansa ng bagyong Milenyo at Reming, na nagresulta sa suspensyon ng Bicol-Manila route.
“Hindi naman siguro tayo nakakalimot na ang tren na biyaheng Bicol ay hindi lang nagbigay ng malaking kaginhawaan kundi nagdulot din ito ng malalim na kasiyahan sa ating mga kababayang Bikolano. Ibalik natin ito pero mas pagandahin pa natin at pabilisin upang magsilbing pangunahing transportasyon ng mga Bicolano at mga dayuhang turista na maaakit ng ganda ng bayang ito,” ani Marcos.
Idinagdag pa ni Marcos na ang pagsasaayos ng mga railway system ay base na rin sa nakalatag na programa ng Duterte administration na Build, Build, Build program na ipagpapatuloy ni Bongbong sakaling palaring manalo sa darating na halalan.
“Ang kailangan natin ay maging agresibo sa pagsusulong ng mga proyektong makakapaghatid ng maayos na serbisyo sa ating mga mamamayan. Isa lamang ito sa mga layunin natin upang iangat ang Bicolandia matapos ang mapamuksang pandemya,” dagdag ni Marcos.