Nakikiisa ang Commission on Human Rights sa pagdiriwang ng ika-36 Anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Ito ay isang mahalagang yugto ng ating kasaysayan na nagpamalas ng likas na katapangan ng mga Pilipino na manindigan para sa kalayaan, karapatang pantao, at demokrasya. Pinuri ng buong mundo ang ehemplo ng Pilipino na magsagawa ng mapayapang rebolusyon para iwaksi ang karahasan, korupsyon, at pang-aabuso sa kapangyarihan sa panahon ng Batas Militar sa ilalim ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr.
Sa ating pagdiriwang, sariwain natin ang diwa at mga aral ng EDSA People Power. Pangunahin dito ay ang kakayahan nating magsulong ng mga positibong pagbabago sa mapayapang paraan at ang kapasidad natin na magkaisa laban sa anumang pang-aabuso at pagyurak sa karapatan at dignidad. Sa kasalukuyang panahon, maraming mga hamon na nagpapaalala sa paniniil na dinanas ng bansa noong panahon ng Batas Militar. Kasama dito ang talamak na patayan at karahasan; pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag; kawalan ng pananagutan at hustisya; pagmamanipula sa katotohanan at pagrebisa sa kasaysayan; mga kakulangan at kalabisan sa tugon ng gobyerno na nakaaapekto sa dignidad ng mga bulnerableng sektor, atbp. Bilang pagkilala sa mga sakripisyo at pagdurusa ng mga lumaban sa kalupitan ng Batas Militar, mahalaga na patuloy tayong manindigan laban sa anumang uri ng pang-aabuso sa kapangyarihan; kawalan ng hustisya; at, pagyurak sa katotohanan.
Ang okasyong ito ay pagkakataon para palakasin ang pagtataguyod sa karapatan sa katotohanan at pagtiyak na hindi na maulit ang mga paglabag at pang-aabuso sa gitna ng talamak na pagrebisa sa katotohanan. Pinapaalalahanan natin ang lahat, lalo na ang mga kabataan na siyang huhubog sa kinabukasan, na kung paano natin natatandaan ang kasaysayan ay may malaking epekto sa pagharap natin sa mga kasalukuyang hamon at humuhubog ng ating hinaharap. Gayundin, kinikilala natin ang ideyalismo at sigasig ng maraming sektor, kabilang ang mga kabataan at kababaihan, na naninindigan laban sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso at kawalan ng hustisya.
Lahat tayo ay may tungkulin na tandaan ang kasaysayan para maprotektahan ang ating bayan sa iba’t ibang porma ng paglabag sa karapatang pantao na kalimitang nanggagaling sa authoritarian na estilo ng pamamahala. Ang buo at makatotohanang pag-alala sa nakaraan ay susi sa pagpapatibay ng ating mga karapatan at kalayaan na mahalaga sa pag-abot ng ating kabuuang potensyal. Sa lahat ng panahon, mananatili ang katotohanan na ang ating karapatan, dignidad, at dangal ay tunay lamang na maitataguyod sa lipunang demokratiko at mapagpalaya.