ISA sa bibigyang pansin ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kung sakaling mahalal bilang pangulo ngayong darating na Mayo ay ang paglutas sa mga problemang bumabagabag sa mga manggagawa at upang masiguro ang kanilang proteksyon at kapakanan.
Sa pagtitipon ng mga opisyal ng labor-focused party-list groups, Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at ang Associated Labor Unions (ALU), tinalakay ni Marcos ang mga problema at isyu ng labor sector bago inilatag ang kanyang mga plano at programa.
Habang sinuportahan ni Marcos ang pagtatatag ng departamento para sa migrant workers, dapat din umano na mabigyan ng pansin ang mga ahensya na may kaugnayan sa paggawa.
“I will have to put the lay out in detail because the issue has become so involved. Maraming dapat ayusin, structurally maraming dapat ayusin. Dapat i-streamline ang mga agencies, dahil masyado nang marami (ang mga opisina), ang mga workers natin, nalilito kung saan sila dapat lumapit,” sabi ni Marcos.
Sumang-ayon naman si TUCP Party-list Rep. Raymond Mendoza kay Marcos na ayusin ang sistema tulad na lamang ng tungkol sa mga overseas worker kung saan nahihirapan din silang makapag- apply sa ibang bansa dahil sa magulong sistema at mga patakaran.
Kasabay ng pangakong aayusin ang kalagayan ng mga manggagawa, plano din ni Marcos na iprayoridad ang bill para sa Security of Tenure Act, na layon na baguhin ang Labor Code upang mas lalong maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa at sa pagbabawal ng labor-only contracting sa mga pribadong sector.
“Kailangan pag-aralan ng husto kung paano ito i-aamend na talagang magbibigay proteksyon ito sa ating mga manggagawa para maisabatas ito. Kailangang ayusin natin dahil ang ating mga kababayan, napipilitang magtrabaho overseas dahil mababa at hindi maayos ang labor conditions dito,” sabi ng dating senador.
Tinukoy naman ni Mendoza na presidente ng TUCP na dapat din magdagdag ng manpower sa ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine Overseas Employment Administration at sa Overseas Workers’ Welfare Administration upang mas mabigyang pansin ang kundisyon ng higit kumulang na sampung (10) milyong migrant Filipino workers.
“Sa isang araw, ilang libong kontrata ang prinoprocess nila, tapos iilan lang ang tao nila. Kulang sila sa mga foreign language interpreters na makakatulong sa mga OFWs na may kinahaharap na problema sa mga trabaho nila. Milyon-milyon ang mga OFWS natin at malaki ang kontribusyon nila sa ating ekonomiya, kaya kailangan naman na may nakatutok sa kanila,” sabi ni Mendoza.
Binanggit ng presidential candidate na napapanahon na ayusin ang sistema sa mga tukoy na mga ahensya para matugunan ang pangangailangan ng local at overseas workers.
Nilinaw ni Marcos na mas mabuti kung ang mga Pilipino ay manatili sa bansa at option na lamang ang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa nasabing pagpupulong ay namataan si House Majority Speaker Martin Romualdez at ang kanyang asawa na si Tingog Sinirangan Party-list Rep. Yeda Marie Romualdez, ALU-Transport Vice President Michael Mendoza, at ALU National Executive Vice President Gerard Seno at marami pang iba.
Ang TUCP ay isa sa pinakamalaking labor group at kamakailan lang ay inindorso nila Marcos at ang kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte na pambato para sa halalan ngayong 2022.
Sinabi ng spokesperson ng TUCP na si Alan Tanjusay na sumasang-ayon at natutuwa ang kanilang 1.2 milyon na miyembro na suportahan ang UniTeam tandem (Marcos at Duterte) sa kanilang isinagawang mga pagpupulong at konsultasyon sa lahat ng miyembro ng TUCP sa buong bansa.
Nagsimula noong taong 1975 na may 23 labor federation, ngayon ang TUCP ang may pinakamalawak na alyansa ng labor federations.
Karamihan sa mga miyembro nito ay mula sa iba’t-ibang malalaking industriya tulad ng agriculture, service at manufacturing sa Luzon, Visayas at Mindanao.