29.9 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Programa sa mga homeless inihahanda ng UniTeam

- Advertisement -
- Advertisement -
SINIGURO ng UniTeam na mabibigyan ng pantay na oportunidad ang lahat, maging ang mga Pilipino na walang sariling bahay o ‘yung mga naninirahan lamang sa lansangan.
Ayon sa pahayag ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kung mabibigyan ng pagkakataon na mamuno sa bansa, sisiguruhin ng UniTeam na palalakasin nila ang mga programa para sa mga homeless para tuluyan na silang mabigyan ng sariling tahanan at maalis sa lansangan.
Base sa huling pag-aaral na isinagawa ng The Borgen Project nitong 2020, tinatayang 4.5 milyon pa rin ang mga homeless at naninirahan lamang sa mga lansangan.
Sa naturang bilang, 250,000 dito ay mga bata na kalimitan ay nagiging biktima ng domestic abuse, human trafficking at kagutuman.
Binanggit ni Marcos na sa kasalukuyan ay mayroong programa ang pamahalaan tulad ng temporary shelter at libreng edukasyon para sa mga street children pero kadalasan ay bumabalik pa rin sila sa lansangan kaya ito umano ay dapat matugunan.
“Maganda ‘yung programa ng ating pamahalaan para sa mga kababayan natin na nasa lansangan, payak ngunit maayos naman ‘yung mga pasilidad na kanilang pansamantalang tinitirhan, ang problema lang ay mas pinipili pa rin ng iba na tumakas at manirahan sa lansangan,” ani Marcos.
“Siguro ‘yung mabagal na pagpapatupad ng mga ipinangako sa kanila ang isa sa dahilan kung bakit bumabalik sila sa lansangan, tulad na lamang ng pabahay at mga trabahong para sa kanila,” dagdag pa niya.
Ani Marcos, titiyakin nila na pabibilisin at pagagandahin ang mga programa para sa mga homeless.
Kabilang dito ang psychological assessments, training sa TESDA at ang pagpapalakas ng pakikipag-ugnayan sa mga pribadong sektor, LGUs, at iba pang ahensya ng pamahalaan para matutukan ang problema.
“Isa sa nakikitang paraan ay pabilisin ang pagpapatupad ng programa, gusto ko rin pagtibayin ang psychological assessment para masiguro na maintindihan nilang mabuti ‘yung magandang hangarin ng pamahalaan sa kanila,” saad pa ni Marcos.
“At siyempre para sa ikakaayos ng kanilang sitwasyon, i-train natin sila sa TESDA, makipag-ugnayan tayo sa mga pribadong kumpanya, ahensya ng gobyerno at LGUs para agad na mabigyan sila ng trabaho pagkatapos ng kanilang training,” aniya.
Kailangan din umanong masiguro na mananatiling matatag ang relasyon ng pamilya ng mga homeless at masigurong inaalagaan nila ang isa’t isa.
“Siguraduhin din natin na magkakasama pa rin sa pasilidad ‘yung mga pamilya para maiwasan ‘yung pagka-depress at stress na s’yang dahilan ng pag-iisip ng hindi maganda at pagtakas sa mga pasilidad,” idinagdag ni Marcos.
Plano rin nilang turuan ang mga homeless ng tungkol sa pagnenegosyo at bigyan ng puhunan para maitaas ang antas ng kanilang buhay.
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -