29.9 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Imee: Ga-holen na pandesal, gusto niyo?

- Advertisement -
- Advertisement -
Nangangamba si Senador Imee Marcos na paliit na ng paliit at hindi na makabusog ang pandesal na almusal at pang meryenda ng ordinaryong Pinoy.
Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, tiyak na tutol ang mga konsyumer ng tinapay sa hirit na tatlong pisong dagdag presyo pero hindi na rin anya makayanang di ipatupad ng mga panadero.
“Sa nangyayari ngayon, baka maging ga-holen na lang ang laki ng pandesal,” ani Marcos.
“Napipilitang magtaas ng presyo ang mga panadero dahil nagmamahal ang materyales at pagpapatakbo ng negosyo habang gipit pa rin ang mga badyet ng mga mamimili sa gitna ng pandemya,” dagdag ng senadora.
Una nang iginigiit ng producers na makatwirang itaas ng tatlong piso ang presyo ng Pinoy Tasty at pandesal dahil hindi nagbago ang presyo nito mula pa noong 2016 na Php35 kada loaf at Php21.50 kada sampung pirasong pandesal.
Sinabi ni Marcos na pwedeng manghimasok o magtakda ang DTI ng price freeze sa mga raw material upang hindi mabigatan ang mga maliliit na panadero sa bansa.
Dagdag ng senador, ang isa pang panandaliang solusyon ay ang pag-import ng arina ngunit government-to-government na usapan at pang-emergency use lamang.
Ang mas pang-matagalang solusyon ay ang pagdagdag ng nutrisyon sa mga tinapay na ginamit na sa kilalang Nutribun noong dekada ’70.
“Gaya ng Nutribun noong araw, ang tinapay ay pwedeng dagdagan ng mga sangkap na lokal gaya ng camote, cassava, monggo, kalabasa, patatas, at bigas. Pwede pa lalong pagyamanin sa protina, gamit ang mani at malunggay,” paliwanag ni Marcos.
Kung ikukumpara ang halaga ng gastos para sa harina noong 2020 at 2022, lumalabas na ang presyo ng first-class na harina ay nasa Php670 hanggang Php970, nagkakahalaga naman ang all-purpose flour ng Php90 hanggang Php1,140, at ang third-class flour naman ay mula Php600 hanggang Php890.
Ang gastos sa LPG ay lumobo ng Php13.15 mula sa Php52 kada kilogram noong 2020 sa Php65.15 sa kasalukuyan.
Tumaas rin ang iba pang sangkap sa tinapay mula sa Php2,386  naging Php3,476 kada 40-kilogram na balde ng mantika, mula sa Php2,100.15 hanggang Php3,490 kada 45-kilogram na balde ng margarine, mula sa Php2,200 hanggang sa Php3,100 kada 50-kilogram bag ng asukal sugar, at mula sa  Php1,890 hanggang sa Php2,200 para sa kaparehong halaga ng brown na asukal.
Sumipa na rin ang presyo ng gatas mula sa Php4,100 naging Php5,700 na ang 25-kilogram bag ng skimmed milk powder; Php1,820.16 hanggang Php1,951.20 naman ang 48 lata o (1 kahon) ng  evaporated milk, at mula sa Php2,566.56 naging Php2,679.84  na ito para sa kaparehong dami ng condensed milk.
Tanging ang mga pampaalsa lang ng tinapay at ang tuyong lebadura ang hindi nagbago ang presyo na nasa Php1,500 hanggang Php1,950.
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -