Sa pag-aalala na walang sapat na kakayahan ang mga manggagawang Pilipino sa libreng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) tests, nanawagan si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. noong Martes sa gobyerno na maglaan ng sapat na pondo para sa RT-PCR tests para sa mga lokal at overseas worker.
“Malaki ang nagiging problema ng ating mga manggagawa dahil sa paghihigpit ng mga kumpanya upang mapangalagaan at siguraduhing ligtas ang lahat. Napakabigat para sa mga manggagawa na pasanin pa ang halaga ng RT-PCR lalo na sa panahong ito na patuloy pa ding gumagapang ang ekonomiya,” sabi ni Marcos.
Sinabi ng Bongbong na marami sa mga kumpanya ang nagbibigay lamang ng libreng antigen testing sa kanilang mga empleyado dahil mas mura ito, at pagkatapos nilang magpositibo, pinipigilan silang magtrabaho nang walang benepisyo dahil ang Employees Compensation Commission (ECC) ay humihiling ng resulta ng RT-PCR.
Nagkakahalaga naman sa umaabot na P1,000 hanggang P3,000 ang presyo ng RT-PCR Test.
“Batid nating nanawagan na ang mga manggagawa ng libreng RT-PCR test ngunit sa kasamaang palad ay hindi ito matuunan ng pansin sa kung anong mga kadahilanan. Kaya naman nakikiisa tayo sa panawagan na paglaanan ng pondo, lalo na ng DOLE ang bagay na ito,” sabi ni Marcos.
“The workers keep the economy moving. They are the backbone of every society. It is only right therefore that we give them the proper respect by taking care of their welfare, pandemic or not,” dagdag pa ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas.
Kung sakaling mahalal bilang pangulo ngayong Mayo, nangako si Marcos na ang kanyang administrasyon ay “sisiguraduhin na ang kapakanan ng mga empleyado dito at sa ibang bansa, ay mabibigyang-priyoridad, at magkakaroon ng sapat na contingency funds para sa anumang hindi inaasahang krisis na maaaring mangyari.”
“Alam ko po ang dinadanas na hirap at sakripisyo ng ating mga manggagawa. Magiging kaagapay po ninyo ako sa inyong mga adhikain at titiyakin natin na lagi tayong mgakakaroon ng kasagutan sa anumang problemang ating kakaharapin,” sabi ni Marcos.