KUNG ngayon gagawin ang halalan sa probinsya ng Cavite, sigurado na ang panalo ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., matapos itong makakuha ng 62 porsyento sa internal survey na isinagawa sa buong probinsya.
Ito ang inihayag mismo ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa kanyang opisyal na Facebook page, patungkol sa internal survey na isinagawa sa 1,600 respondents sa buong Cavite nitong Disyembre 1 hanggang 5.
“Surveys are a snapshot in time. If the election was held today? BBM will win in Cavite by a landslide,” ani Remulla.
Malayong pumapangalawa lamang si Ping Lacson na kilalang tubong Cavite na mayroong 16 porsyento, habang bumagsak sa pangatlo si Leni Robredo na mayroong siyam na porsyento; Isko Moreno, anim na porsyento; at Manny Pacquaio, apat na porsyento.
“I believe he will win the presidency in 2022. It’s his time. It’s his destiny,” dagdag pa ng gobernador.
Ayon sa pinakahuling talaan ng Commission on Election (Comelec) nitong 2019, ang Cavite ang pangalawa sa itinuturing na vote-rich province sa buong bansa. Aabot sa mahigit dalawang milyon ang botante sa Cavite, pangalawa ito sa Cebu na nangunguna sa may pinakamaraming botante na mayroong mahigit tatlong milyong botante.
Kilala naman ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na pinaka-vote-rich na rehiyon sa buong bansa na mayroong mahigit walong milyong botante o 14 porsyento na kabuuang voters population.
Matatandaan na patuloy na namamayagpag sa lahat ng survey ng mga respetadong kumpanya si Bongbong at kanyang ka-tandem na si Davao Mayor Inday Sara.