Nagbabanta sa matagumpay na pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) na nagbibigay ng libreng health insurance cover sa mga Pilipino, ang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), ayon kay Team Unity senatorial candidate Harry Roque nitong Biyernes.
Sinabi ni Roque na pinag-aaralan nito ang implikasyon ng pagpapalit ng Philhealth ng National Health Service na maggagarantiya ng “zero billing” sa mga ospital, libreng serbisyong pangkalusugan, gamot, at medical test para sa mga nagpapagamot.
“Mayroon pong malaking banta sa tunay na pagpapatupad ng ating Universal Health Care, ang gusto natin zero billing talaga lahat ng taong magkakasakit ang banta po ay korapsyon sa PhilHealth,” ayon sa dating Presidential spokesperson.
“Ngayon po pinag-aaralan kong mabuti kung dapat bang buwagin ang PhilHealth at papalitan natin ng National Health Service bilang paraan na matanggal ang mga kurakot dyan sa PhilHealth so pinagaaralan po natin ‘yan at kung kailangan hahain po natin ‘yung amendatory law sa ating sariling batas na magbubuo ng National Health Service,” aniya pa ni Roque.
Si Roque ang may akda ng UHC noong siya ay miyembro pa ng House of Representatives. Ang batas ay nananawagan para sa pagpapabuti ng ratio ng doktor-sa-pasyente, pag-upgrade ng mga kapasidad at kagamitan sa kama ng ospital, at pagtatatag ng mga ospital sa malalayong lugar.
Sa ilalim ng UHC, ang mga nagtapos ng mga kursong may kaugnayan sa kalusugan mula sa mga unibersidad at kolehiyo ng estado o mga programa sa iskolarship na pinondohan ng gobyerno ay dapat maglingkod sa pampublikong sektor nang hindi bababa sa tatlong taon.
Sinabi ni Roque na ang gobyerno at pribadong sektor ay dapat magbigay ng trabaho sa mga Pilipino para mapigilan ang gutom.
Ayon sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas noong Disyembre 6, 2021 ay nagpakita na 10% ng mga pamilya, o tinatayang 2.5 milyon, ay nakaranas ng ‘involuntary hunger’ sa nakalipas na tatlong buwan.
Noong Setyembre 2021 ang bilang ng pagkagutom o hunger ay bumaba ng 3.6 puntos na mas mababa sa 13.6% (tinatayang 3.4 milyong pamilya) na iniulat noong Hunyo 2021, o 11.1 puntos na mas mababa noong 2020 na may average na 21.1%, ngunit 0.7 puntos mas mataas noong 2019 na may average na 9.3%.
“Ang konsepto ng public health at dapat po ligtas sa pagkakasakit at ligtas din sa pagkagutom na magbibigay dahilan din para mamatay ang mga tao ‘yan po ang ating pangunahing dahilan kung bakit tayo sumabak,” ayon kay Roque.
“Kinakailangang mabuhay despite COVID at bigyan ng hanapbuhay ang lahat dahil ang paninidigan ko ay wala pong tamad na Pilipino,” giit pa niya.