26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

BBM-Sara UniTeam hinimok ang IATF na bumuo ng mga alituntunin para sa mga pasyenteng naka-home quarantine

- Advertisement -
- Advertisement -

HINILING ngayon ng BBM-Sara UniTeam sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), na maglathala ng mga alituntunin sa lalong madaling panahon para sa pagpapalawig ng pangangalaga sa mga pasyenteng nasa bahay na may mild COVID19.

Ang panawagan ay ginawa ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Ito ay sa gitna ng mga ulat na ang healthcare utilization rate sa Metro Manila ay sumampa sa moderate risk dahil sa muling pagtaas ng mga kaso ng Covid19 na dulot ng Omicron at Delta variants.

Anila dapat gumawa ng agarang preventive measures upang maiwasan ang labis na pasanin sa healthcare system ng bansa dahil ang mga pampubliko at pribadong ospital sa Metro Manila ay nakakakita na ng pagtaas ng bilang ng mga kaso, kung saan ang mga healthcare worker ay kabilang sa mga nahawaan ng Covid19.

“With experts saying that the National Capital Region is expected to break records, recording to as high as 20,000 daily cases, we have to do something immediately to prevent our hospitals from being overwhelmed. Mas mahihirapan tayo kung marami sa mga ospital ang magsasara temporarily dahil marami sa mga staff nila ang na-infect dahil sa exposure sa mga cases,” ayon sa UniTeam.

Sinabi ng dalawa na dapat mabilis na tumugon ang IATF sa kahilingan ng Department of Health (DOH) na maglabas ng mga alituntunin para sa pangangalaga ng mga pasyenteng nasa bahay na may mild cases at sasailalim sa monitoring ng Barangay Health Emergency Response Team, dahil maiiwasan nito ang pagsisikip sa mga ospital.

“Makakatulong ito ng malaki para hindi mapuno ang ating mga ospital, lalo’t lumalabas na mas mild ang mga kaso ng Omicron kumpara sa Delta variant although mas mabilis nga lang itong makahawa. Nananawagan din kami sa ating mga kababayan na ibayuhin ang pagsunod sa mga health protocols at iwasan ang paglabas-labas ng bahay hangga’t maaari,” sabi pa ng dalawa.

Iniulat ng DOH na mahigpit nilang binabantayan ang healthcare utilization rate sa Metro Manila, na papalapit sa intermediate danger na may 50 hanggang 70% utilization rate ng healthcare capacity.

Dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid19, ang ilang mga ospital sa Metro Manila ay nag-anunsyo na ng paghinto ng ilan sa kanilang mga serbisyo, habang ang iba ay nag-ulat ng mas mataas na oras ng paghihintay para sa medical consultation sa kanilang mga emergency room.

Halimbawa, ang National Kidney and Transplant Institute ay nagpahayag na ang mga outpatient services nito ay titigil ngayong Biyernes, ika-7 ng Enero.

Isasara ang maternity unit ng Philippine General Hospital sa loob ng dalawang araw dahil sa pagtaas ng mga pasyente ng Covid19 dahil sa kakulangan sa mga tauhan.

Matapos magpositibo sa virus ang 50 empleyado, napilitan ang Gat Andres Bonifacio Medical Center sa Maynila na pansamantalang ihinto ang mga serbisyo sa emergency room at laboratory nito.

Ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Sanitarium sa Caloocan City, ay isinara rin ang mga serbisyo ng outpatient at emergency room nito upang gawing Covid wards matapos tumaas ang bilang ng mga kaso mula 25 hanggang 163 pagkatapos ng Bagong Taon. May kabuuang 26 katao ang nagpositibo sa Covid19.

Isinailalim din sa lockdown ang Ospital ng Malabon mula January 2-4 matapos magpositibo sa virus ang labing siyan (19) na kawani nito. Ang bilang ng kasalukuyang kaso ng Covid sa ospital ay dumoble din, mula 100 bago ang Pasko ay naging 240 ngayong linggo.

Samantala, sinabi ng St. Luke’s Medical Center na ang mga ibang pasilidad nito sa Quezon City at Global City ay nasaksihan ang pag-angat ng bilang ng mga pasyente, na nagdulot ng mahabang oras ng paghihintay sa ER para sa mga kaso ng Covid19 na mas madami kaysa karaniwan.

Inihayag din ng Philippine Lung Center na halos kalahati ng mga kama para sa mga pasyente ng Covid19 ay napuno na. Kasunod ng kapaskuhan, nakita ng Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City ang paglaki ng demand para sa Covid testing sa kanilang mga pasilidad.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -