KASUNOD nang patuloy na pagpapadala ng mga relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Odette, inanunsyo ng BBM-Sara UniTeam na mga construction materials naman ang ipinapadala nila ngayon para sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahay sa lugar.
Sa panayam nitong Miyerkules sa SMNI, sinabi ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na nasa reconstruction phase na sa mga lugar na nasalanta ng super typhoon Odette, kaya ito na rin ang tinutugunan ng kanilang UniTeam.
“Pagkatapos ng bagyo ang kailangan talaga ‘yung mga shelter. Meron silang mga evacuation center pero pati ‘yun nasira rin, kaya ‘yung mga evacuees kung saan-saan lang natutulog,” ani Bongbong.
Giit pa ng dating senador, personal niyang nakita ang mga pangangailangan ng mga residente base na rin sa kanyang pagbisita sa mga lugar na grabeng tinamaan ng bagyo.
“Kailangan ng mga tao ngayon ay construction materials, so ‘yun ang hinahakot namin ngayon para maipadala namin. Mga simple lang mga trapal lang muna kasi mga bubong ay butas-butas para merong masilungan,” paliwanag ni Bongbong.
“Tapos mga plywood, mga dos-por-dos, mga pako, mga martilyo, lagari, lahat ng mga construction material, GI sheets. Lahat ‘yan ‘yung mga pangangailangan sa re-building ‘yun na ngayon ang ginagawa namin. ‘Yun na ngayon ang hinahakot namin,” dagdag ni Bongbong.
Kasabay nito, nanawagan din si Marcos sa mga taga-suporta na bukod sa mga donasyong relief goods ay magpadala rin ng mga construction materials para agad maipamahagi sa mga biktima ni Odette.
“Humihingi kami ng tulong sa lahat ng ating mga kaibigan at dahan-dahan ay ipinapadala namin sa iba’t ibang lugar na tinamaan ng Odette,” anang standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas.
Matatandaan na walang patid ang pamamahagi ng tulong na cash at relief goods ng BBM-Sara UniTeam sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.