27.8 C
Manila
Sabado, Disyembre 21, 2024

Mensahe ng Tagapagsalita ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao, Atty. Jacqueline Ann de Guia, para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan

- Advertisement -
- Advertisement -

Hindi biro ang mga hamon na kinaharap natin bilang isang bayan noong mga nakaraang taon. Bagama’t patuloy tayong nakikibaka sa mga pagsubok, marami rin tayong mga napagtagumpayan na dapat nating ipagpasalamat, ipagdiwang, at gawing inspirasyon tungo sa tuloy-tuloy na paghilom at pagbangon.

Sa gitna ng mga pagdiriwang, nawa’y manaig din ang likas na diwa ng malasakit at bayanihan para makapagbahagi tayo sa mga kapuspalad at mga nalugmok nating kababayan, kabilang ang mga nasalanta ng iba’t ibang sakuna, tulad ng bagyong Odette na nanalasa sa Visayas at Mindanao kamakailan.

Hindi bago sa mga Pilipino ang karanasan sa mga kalamidad. Likas tayong matatag bilang isang lahi. Ngunit patuloy na paalala ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao (CHR) na ito ay dapat tapatan ng masugid na pagtupad ng gobyerno sa obligasyon nitong itaguyod at pangalagaan ang karapatan at dignidad ng lahat.

Bumababa rin ang naitatalang kaso ng Covid-19 sa bansa. Ikinalulugod ng CHR na muli nating natatamasa ang ilan sa mga kinagisnang tradisyon tuwing Kapaskuhan. Ngunit sa ating pagbangon, wala sanang maiiwan. Isaisip natin silang mga mahihina, isinasantabi, at mga inaabuso sa lipunan.

Patuloy ang panawagan ng CHR sa gobyerno na tugunan ang pangangailangan sa trabaho’t kabuhayan; pag-alalay sa mga negosyo na makapagbukas muli; ligtas na pagbubukas ng mga paaralan; at paniniguro na may ligtas at sapat na bakuna laban Covid-19 para sa lahat.

Habang hindi pa tapos ang pandemya, hinihimok ng CHR ang lahat na gawin ang kanilang parte nang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19, tulad ng pagsunod sa health and safety protocols. Ngunit kailangan rin natin layuan at lawakan ang pagtanaw sa paghubog sa inaasam na ‘new normal.’

Ngayong panahon ng eleksyon, pahalagahan natin ang bagong oportunidad na maghalal ng mga kandidatong kakatawan sa mga makataong pagpapahalaga at interes ng sambayanan. Isipin natin lalo’t higit ang kapakanan ng mga nasa laylayan ng lipunan para mapalakas ang mga serbisyong karapatdapat para sa kanila.

Kasama sa panawagan na ito ang hustisya sa bawat insidente ng paglabag ng karapatang pantao.

Nawa’y ang diwa ng Kapaskuhan ay ating isabuhay sa lahat ng panahon. Ang pagmamalasakit at pagkalinga sa ating kapwa ay patuloy nating ipamalas sa lahat ng pagkakataon. Katuwang ninyo lagi ang Komisyon sa paninindigan, pagpapalaganap, at pagtataguyod ng katotohanan, karapatan, at, dignidad ng lahat.

Isang mapayapa at makabuluhang Pasko sa ating lahat!

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -