27.2 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Pampublikong dialysis centers sa mga probinsiya dagdagan – Bongbong

- Advertisement -
- Advertisement -

Isusulong ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na maparami ang bilang ng mga pampublikong dialysis centers sa mga probinsiya upang mas maraming mga Pilipino ang makinabang sa serbisyong ito.

Sa datos na iprenesenta ng University of the Philippines (UP) sa isang webinar tungkol sa COVID-19 at Dialysis noong Disyembre 2020, isang pasyenteng may malubhang sakit bato ang namamatay kada isang oras. Aabot rin sa halos 35,000 Pilipino ang tinatayang sumasailalim sa dialysis sa buong bansa.

Sa nakalipas na dekada, ang bilang ng mga bagong kaso ay tumataas ng humigit-kumulang 15% bawat taon.

Ayon kay Marcos, dapat bigyang pansin ang kalagayan ng ating mga dialysis patients, nakakaawa umano na kailangan pang bumiyahe ang marami mula sa probinsya papunta sa Metro Manila dahil sa kakulangan at kawalan ng mga dialysis center sa kanilang lugar.

“Nakakaawa ang kalagayan ng ating mga dialysis patient, marami sa kanila ang bumibyahe ng malayo, ng ilang oras para lamang makapagpa-dialysis at gumagastos ng malaki. So imbes na sana ipambili na ng gamot at bitamina nila ay napupunta pa sa ibang gastusin katulad ng pamasahe o pangungupahan. We need to build more dialysis centers in the provinces para hindi na sila bumiyahe o mangungupahan,” ayon kay Marcos Jr.

Ayon sa Medical Pinas, isang online resource para sa medical-related na mga paksa, ang halaga ng isang dialysis session sa isang pribadong ospital ay mula P2,000 hanggang P7,000. Habang sa mga pampublikong ospital, nasa pagitan ng P300 hanggang P3,500 ang presyo. Bagama’t kapansin-pansing mas mura, limitado ang kapasidad ng mga pampublikong ospital at dialysis center na magsilbi sa mas maraming pasyente.

Sinabi ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na sakaling manalo siya bilang Presidente sa botohan sa susunod na taon, bubuo siya ng task force na makikipag-coordinate sa mga LGU at iba pang ahensya ng gobyerno para matiyak ang libreng dialysis treatment para sa mga pasyente.

“Balak din nating gawing libre yung pagda-dialysis, ang mahalaga dito ay maisalba natin sila sa paghihirap at madugtungan natin ‘yung kanilang buhay, hirap na sila sa buhay, hirap pa magpagamot kaya makikipag-ugnayan tayo sa lokal na pamahalaan at sa ahensya ng gobyerno na responsable sa ganitong sitwasyon,” ayon sa pambato ng PFP.

“Yung PCSO malaki ang naitutulong sa ating mga pasyente, mayroon ding PAGCOR at PhilHealth, so sa tingin ko kapag nadagdagan ang mga dialysis center sa mga probinsya, mas matutulungan at mas mapapangalagaan natin ‘yung kalusugan nila ng wala nang gagastusin ang pasyente,” dagdag pa ni Marcos.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -