27.2 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

BBM: Pagkakaisa, pinakamagandang aginaldo ngayong Pasko

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABI ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na ang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino para mapaunlad ang bansa ang pinakamagandang aginaldo ngayong Pasko.

Ani Marcos, ang pinakahuling pagbisita niya sa Cebu kamakailan, kasama ang running mate na si vice-presidential bet Mayor Inday Sara Duterte kung saan ay mainit silang sinalubong ng libu-libong supporters ang nagbigay pag-asa na may naghihintay na magandang kinabukasan para sa bansa.

“Talagang masayang-masaya ang pakiramdam namin dahil bukod sa napakasayang mga pagtanggap eh ‘pag pinagsama ninyo ang kulay naming pula at berde, Merry Christmas na nga talaga,” pahayag ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer.

Naging makulay at makabuluhan aniya ang kanilang Cebu visit dahil bukod sa probinsiyang ito pinagtibay ang BBM-Sara UniTeam, nagkaroon din sila ng pagkakataong makasalamuha ang mga pinagpipitagang mga miyembro at opisyales ng League of Municipalities. Naganap ito sa Regional Planning Conference ng mga alkalde sa Region 7 na pawang nagbigay suporta rin sa tambalang BBM-Sara.

“In behalf of all the 44 mayors of the Province of Cebu, we hereby express our unequivocal support for your candidacy in the coming elections,” anang mga alkalde.

“Sa tinagal-tagal ko na naging gobernador, kahit napunta na ako sa Senado o Kongreso dala-dala ko pa rin ‘yung aking natutunan bilang chief executive ng Ilocos Norte. Si Mayor Inday Sara naman eh matagal na ring nagsisilbi sa LGU kaya’t alam na alam niya ang mga patakbo dyan,” sabi pa ni Marcos Jr.

Ang mga nagaganap na ‘unity rides’ sa iba’t ibang panig ng bansa, gayundin ang makasaysayang “Salubong” ng mga taga-norte at timog sa San Juanico Bridge nong November 30, ay nagpapakita ng pagkakaisa mula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ito ang pangunahing layunin ng BBM-Sara UniTeam upang makamit ang pambansang pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad ng bayan.

“Itong mga byaheng ito ay sumisimbolo ng ating pagkakaisa bilang isang bansa, ang pagsasanib pwersa ng North at ng South. Hindi lang mga isla ang pingabubuklod-buklod ng UniTeam kundi ang buong sambayanan,” ani Marcos kasabay ng pagbibigay-diin na pagpapakita rin ito na malalagpasan ng bansa ang anumang pagsubok na dinaranas ngayon sanhi ng Covid-19.

“Only together as a unified nation shall Filipinos be victorious during and after the pandemic. Ito na siguro ang pinakamagandang pamasko na maiisip ko para sa ating lahat, ang makitang unti-unting nagbubuklod, nagkakaisa ang ating mga mamamayan. Tuloy-tuloy ang pagkakaisa dahil ito ang pinakamagandang pamasko natin sa ating lahat,” dagdag pa ni Marcos.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -