INANUNSYO ng dating tagapagsalita ng Malakanyang na si Herminio “Harry” Roque Jr., na ini-endorso niya si Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa darating na halalan sa 2022.
Sa isang liham na ipinadala ni Roque kay Marcos, chairman ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), nitong Nobyembre 25, bukod sa pag-endorso nito sa huli sa pagka-pangulo, sinabi rin ng dating tagapag-salita ni Pres. Duterte na tinatanggap niya ang alok ng PFP na maging guest candidate ng partido bilang senador.
“This is to accept the adoption of Partido Federal ng Pilipinas as guest candidate for senator and to endorse you, Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr., as candidate for president of the Philippines in the May 2022 elections,” ayon sa maiksing liham ni Roque.
Hindi naman ikinagulat ng marami ang hakbang ni Roque, dahil inaasahan na umano ng BBM-Sara Uniteam na marami pang susunod na personalidad ang mag-eendorso at lalahok sa kanilang alyansa na may alok na mapagkaisang pamumuno.
“Unity will make our country strong and stable. Let us not allow ourselves to remain divided by partisan politics before, during the campaign and after we have already installed new leaders in our government,” ani Marcos.
Bukod sa dating tagapagsalita ng pangulo, naging mambabatas din si Roque, law professor at isang kilalang human rights advocate.