SINIGURO ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at vice presidential bet Davao City Mayor Sara Duterte na mas palalakasin pa nila ang mga programang pang-agrikultura sa Mindanao upang gawin itong food basket ng bansa at makatulong para muling makabangon ang rehiyon mula sa pananalasa sa ekonomiya dulot ng pandemya sa Covid-19.
Sa isang pahayag, sinabi ng BBM-Sara Uniteam, ang ang tuloy-tuloy na nangungunang tandem sa lahat ng pormal at impormal na mga presidential at vice presidential survey sa buong bansa, na nararapat lamang na maging sentro ng kalakalang pang-agrikultura ng bansa ang Mindanao dahil ang ikatlong bahagi ng kabuuang mga lupain sa rehiyon ay pulos agricultural land.
“Bagama’t ang Mindanao ang itinuturing na isa sa pinakamahirap na island region sa bansa, ito naman ang maituturing na pinakamayaman pagdating sa mga natural resources. Kaya nararapat lamang na pagyamanin natin, palakasin ito at gawin bilang food basket ng bansa,” ayon sa dalawa.
Itinuturing na malaki ang potensyal na maging food basket ng Pilipinas ang Mindanao dahil 40 porsyento ng pangangailangan sa pagkain sa bansa ay nagmumula sa “island region.” Mahigit 30 porsyento naman ang konstribusyon nito sa “national food trade.”
“Malakas ang potential ng Mindanao dahil sa mayaman nitong lupa at magandang klima kaya nararapat lamang mapalakas ito para na rin sa pagbangon ng rehiyon na matindi ring tinamaan ang ekonomiya dahil sa epekto ng Covid-19,” ani ng tambalan.
Inihalimbawa pa nila ang Bukidnon na kilalang “major food source” sa northern Mindanao dahil kilala ito bilang pangunahing pinagmumulan ng palay, mais at tubo (sugarcane) sa bansa.
“Kilala ang Mindanao na pangunahing pinagkukunan ng palay, mais, saging, cacao at niyog. Kung matututukan natin ito at mas lalo pang palakasin ang produksyon walang duda na kayang-kayang makabangon ng Mindanao,” sinabi pa nila.
Idinagdag pa ng tambalan na malaki rin ang potensyal ng Mindanao para palakasin ang export industry ng bansa.
“Sa halip na tayo ang nag-iimport ng mga produkto sa ibang mas mayayamang bansa, dapat tayo ang nag-eexport sa kanila dahil napakalaki ng potensyal ng mga agricultural land sa Mindanao,” giit ni nila.