Isusulong ng nagkakaisang samahan nina Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at vice presidential bet Davao City Mayor Sara Duterte, ang digital infrastructure sa bansa upang mas mapalakas at mapabuti ang internet service sa bansa kung sila ay papalarin na manalo sa darating na halalan.
Binigyang diin ng tambalang BBM- Sara ang kahalagahan na mapasama ang digital infrastructure sa “kapuri-puring” Build, Build, Build program ng pamahalan para masiguro nagkaroon ang bawat Pilipino ng mura at maasahan na internet.
Ayon sa Uniteam, nakita ang problema sa mabagal na internet connection sa kalagitnaan ng pandemiya matapos na maghirap ang mga guro at estudyante sa kanilang mga online classes.
Dagdag nila, mabilis at tiyak na aksiyon ang kailangang gawain ng pamahalaan para maresolba at madetermina kung ano ang dahilan ng mabagal ba internet speed sa bansa kumpara sa iba.
Sa pag-aaral ng National Research Council of the Philippines (NRCP), mahigit 90 porsyento ng mga guro sa elementarya, junior high school at senior high school sa ibang lugar sa bansa, lalo na sa mga probinsiya, ang nanatiling nahihirapan dahil sa internet connectivity.
Sa 28,859 na guro na natanong sa survey, halos 71.87 porsyento ang nagsabi na mobile data ang kanilang ginagamit habang 32.50 porsyento naman ay fiber internet, 10.38 porsyento ay gumagamit ng DSL at 20.61 porsyento ang gumagamit ng portable Wifi devices.
Sa isang press conference na ginanap noong July, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na stable internet connectivity ang patuloy na nagiging hamon sa mga guro sa buong bansa.
Kamakailan ay hinimok ni Marcos ang National Telecommunications Commission (NTC) na tignan ang ginagawang trabaho ng lahat ng telecommunications firms upang makita ang kalidad ng internet service sa bansa.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ang average na download speed sa fixed broadband sa bansa ay umabot na sa 71.17 megabits per second (Mbps) nitong Hulyo versus sa 66.55 Mbps ng nakaraang buwan. Habang ang mobile internet download speed ay nagkaroon ng kaunting pagtaas mula 32.84 Mbps ng Hunyo na naging 33.69 Mbps nitong Hulyo.
Dagdag ng DICT na ang pagbuti ng internet speed ay naglagay sa bansa sa ika-63 na ranggo mula sa 180 bansa para sa fixed broadband at ika-72nd naman sa 139 na bansa para sa mobile internet.
“While it is good to see our internet download speeds improve, the experience of teachers and students show it does not necessarily translate to better overall user experience. It is high time for Telcos to focus on improving parameters such as coverage and stability of connection, which impacts day to day use,” ayon kay Marcos.