Ipapatupad ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang National Education Portal (NEP), layunin ng programa na mapabilis ang digital shift ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas kung sakaling manalo sa darating na 2022 eleksyon.
Ipinaliwanag ni Marcos na ang NEP ay magiging isang online platform para sa mga mag-aaral at guro na gagawing mas madali at masiguro ang e-learning para sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Sa pamamagitan din nito magkakaroon ng maayos at ligtas na pakikipag-ugnayan ang mga guro sa kanyang mga mag-aaral, magsisilbing tagpuan at pagkukuhanan ng mga digital learning materials.
Ang portal ay gagawin sa pagtutulongan sa pagitan ng mahalagang ahensiya ng gobyerno at mga magagaling na I.T sa pribadong sector.
Dagdag pa ni Marcos na ang programa ay isasabay niya sa kasalukuyang programa ng administrasyon na ‘Build Build Build’ program na kung saan ay plano niyang isama ang digital infrastructure.
Napansin din ni Marcos na dahil sa Covid-19 pandemic at mahabang lockdown na naranasan ng bansa, naging mahalagang sandigan ng mga tao ang internet lalo na sa mga mag-aaral at mga empleyado na nanatili lamang sa kani-kanilang mga tahanan
Ikinalungkot ni Marcos ang kalagayan ng mga guro at mag-aaral na hindi naging handa sa hamon na dulot ng distance learning. May mga ulat ng mga guro at mag-aaral na nahihirapan sa pagsagap ng maayos na internet signal.
“Ramdam ko ang hirap nila, hindi naging madali, marami pa rin sa mga estudyante ang nahihirapan, walang computer, tablets o kahit cellphone man lang sana, hirap rin sila sa pagsagap ng Internet, umaakyat pa sa puno, bubong para lamang makapag-aral ng mabuti, pasalamat tayo sa mga guro natin dahil sa kabila ng hirap na dinadanas nila, eh nandun pa din yung passion nila to cope up with our new system, yung iba talaga gumagawa ng paraan para matulongan ang ating mga estudyante at makapagturo ng maayos,” sabi ni Marcos.
Sinabi ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na ang ‘Build Build Build’ program na pinasimulan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nararapat na ituloy dahil ito ay gaganap ng isang mahalagang papel sa post-pandemic recovery ng bansa.
“Nakita natin na yung ginagawa ngayon na ‘Build Build Build’ maayos yun, talagang yung imprastraktura ay importante, sa aking palagay isasama ko dun sa ‘Build Build Build’ yung digital infrastructure para mas palakasin ang Internet at mas gawin advance ang kagamitan sa school,” sabi ng dating senador.
“Bago pa magka-Covid naging importante na masyado ang Internet kaya dapat talaga nating pagandahin ngayon ngang nagka-covid pa eh talagang kitang kita na talaga kailangang kailangan talaga magkaroon ng Internet,” dagdag pa niya.
Sa Texas, USA pinirmahan ni Pangulong Biden noong March 10, 2021 ang ‘American Rescue Plan Act’ ang batas na maglalaan ng mahigit $7 bilyong budget para sa Federal Communications Commission (FCC), layunin nitong palakasin ang internet connectivity, bumili ng mga devices para ipamahagi sa bawat mag-aaral at para sa mga negosyong naapektuhan ng pandemic.
“Sa Amerika, naglaan sila ng malaking budget para sa internet connection at devices ng mga bata, para pagandahin yung mga facilities nila sa eskwelahan, maganda rin sigurong gawin na rin natin dito sa Pilipinas,” sabi ni Marcos.
Saad pa ng pambato ng PFP na magpapatupad siya ng mga hakbangin upang maisaayos ang sistema ng edukasyon sa bansa at mga institusyong pang-edukasyon ng gobyerno sa mga pamantayang pandaigdig.
“Ngayon palang magandang mailatag na ng ating gobyerno yung plano para dito sa tinatawag nating post-pandemic, sa edukasyon at maging sa ibang aspeto, napakahalagang maging klaro, unti-unti na tayong nagluluwag eh, well, nakakasiguro naman tayo na pinag-aaralan ng ating gobyerno ito,” sabi ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos na hihingi din siya ng suporta at tulong ng Telecom Companies at Internet Providers upang matiyak na magiging matagumpay ang NEP.
“Kung sakaling tayo ay papalarin, agad tayong makikipag-ugnay sa malalaking Telcos, at sa ibang companies para pag-usapan yung digital infrastructure, kailangan masolusyonan natin ang ganitong klaseng problema sa edukasyon, gawin din nating mas digital o advance yung mga kagamitan sa school,” dagdag ni Marcos.