25.4 C
Manila
Martes, Disyembre 31, 2024

Pollution free PH isinusulong ni BBM

- Advertisement -
- Advertisement -

SINIGURO ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na kasama sa kanyang programa ang pagsasaayos at paglilinis ng hangin sa bansa para isulong ang isang pollution-free Philippines.

Nagbigay ng pahayag si Marcos bilang reaksyon sa inilabas na ulat ng Center for Research on Energy and Clean Air (CREA) at Institute for Climate and Sustainable Cities na nagsasabing nawawalan ang bansa ng P4.5 trillion kada taon dahil lamang sa problema sa polusyon.

“Mahalaga na malinis at ligtas ang mga lugar na ating ginagalawan at hinihingahan kaya importante na maalagaan natin ang kalidad ng hangin at matiyak na maso-solusyunan ang problema ng bansa sa air pollution dahil konektado ito sa ating ekonomiya,” sinabi ni Marcos, standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).

Ayon pa sa datos, aabot din sa 66,000 katao ang namamatay sa sakit kada taon na may kaugnayan sa polusyon, tulad ng “respiratory infections.”

Inihalintulad pa sa pag-aaral na ang kalidad ng hangin sa bansa ay katumbas ng paninigarilyo ng isang stick ng sigarilyo kada araw, ayon sa mga analyst ng CREA.

“Gumagastos tayo ng malaki ng hindi natin alam dahil sa problema sa polusyon. Malaki ang epekto nito sa ating ekonomiya at pang-araw-araw na buhay kaya dapat lamang na matugunan ito sa lalong madaling panahon,” ani Marcos.

Inihalimbawa ni Marcos ang resulta ng pag-aaral na dahil sa pagkakasakit at pagkamatay ng marami na may kaugnayan sa polusyon malaki ang epekto nito sa ating ekonomiya partikular na sa healthcare ng mamamayan at pagiging produktibo ng mga manggagawa.

“Neglecting air pollution comes with a heavy bill in the form of increased health-care and welfare cost as well as loss of labor and economic productivity,” ayon kay Isabella Suarez, analyst ng CREA.

Lumalabas din sa pag-aaral na sa P4.5 trillion na nawawala sa bansa kada taon, 98 porsyento rito o P4.43 trillion ay napupunta sa mga premature death na nagresulta sa kawalan ng mga ikabubuhay at economic productivity.

“Kailangan nating wakasan ang problema sa polusyon para na rin sa mga susunod pang henerasyon at upang may maabutan silang ligtas at maayos na hangin. Kaya ito po ay pagtutuunan natin ng ibayong pansin,” dagdag ni Marcos.

Idinagdag pa ni Marcos na mayroon nang batas tulad ng Republic Act 8749 o ang Clean Air Act para pangalagaan ang ating kalikasan, ang kailangan lamang ay palakasin at paigtingin ang pagpapatupad nito.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -