MANILA – Muling aarangkada ang Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos ilunsad ang Phase II o ikalawang bahagi ng programa nitong Biyernes, 10 Setyembre 2021.
Sa pagpapatuloy ng programa na ngayo’y sa ilalim ng P3 bilyong pondo na bahagi ng General Appropriations Act 2021, balik operasyon din ang Libreng Sakay para sa health and medical frontliners, essential workers, at Authorized Persons Outside of Residence (APORs). Nakatakda itong simulan sa Lunes, 13 September 2021.
“Nandito kami, malugod at masaya kaming inilulunsad ulit ang Service Contracting Program Phase II pagkat ito ay mabuti sa lahat, mabuti sa sambayanan, mabuti sa ekonomiya, mabuti sa paglago ng negosyo (sa tinatawag ng new normal),” ani DOTr Secretary Art Tugade.
Paliwanag ni Sec. Tugade, mas pinalawig ang Service Contracting Program dahil sakop na rin ng programa ang iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
“Noon, sa Libreng Sakay, limitado ang operations nito sa Metro Manila. Ngayon ay mas pinalawak natin ang coverage nito. Sakop na po ng programa ang ibang rehiyon at lugar sa bansa, at maging ang mga APORs at essential workers,” paliwanag ni Sec. Tugade.
“Ginagawa po natin ang mga ito dahil ang Kagawaran ng Transportasyon ay naniniwala na hindi lamang ito pang-hanapbuhay ng tsuper at operator—ito po ay kaakibat sa paghahanap-buhay ng iba pa nating kababayan sa Republika ng Pilipinas,” dagdag pa ng Kalihim.
Umabot ng 31.6 milyong Pilipino ang tumangkilik sa Libreng Sakay habang nakapagbigay naman ng halos P1.5 billion total payout ang LTFRB sa mga operators at mga tsuper na lumahok sa programa habang nasa P3.388 billion naman ang inilaan para sa payouts ng mga operator at tsuper na lumahok sa programa.
Sa pamamagitan ng Service Contracting Program, binibigyan ng pagkakataon ang mga public utility vehicle operator at mga tsuper na kumita ayon sa bilang ng kanilang pasada na itinakbo kada linggo, may sakay man o wala. Sa ilalim ng GAA 2021, babayaran ang mga operator at tsuper linggu-linggo.
Muli namang hinikayat ni LTFRB Chairman Martin Delgra III ang mga operators at tsuper na makilahok sa Service Contracting Program upang magkaroon sila ng sapat at tuluy-tuloy na kita sa gitna ng pandemya at makapagbigay-serbisyo rin sa mga health workers at APORs.
“The program provides for operators and drivers an opportunity to earn based on the number of trips they run per week and make their public utility vehicle (PUV) operations sustainable whether they have passengers or none,” ani Delgra.
Samantala, nagpa-abot naman ng pasasalamat si Land Bank President and CEO Cecilia Borromeo sa DOTr at sa LTFRB sa pagkakataong maging bahagi ng Service Contracting Program at makatulong sa mga operator at mga tsuper.
“We thank the DOTr and LTFRB for this another opportunity for Land bank to take part in continuing efforts to advance the country’s transportation sector. We welcome this collaboration to deliver financial assistance to PUV operators nationwide towards ensuring pay and uninterrupted operations of public transportation in the new normal,” pahayag ni Borromeo.