Naghain ng resolusyon kahapon si House Deputy Speaker Loren Legarda upang imbestigahan ang National Solid Waste Management Commission at iba pang ahensya ng pamahalaan hinggil sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
“Sa kabila ng mga tungkulin at budget na ibinigay noong 2016 at 2017 na nagkakahalaga ng P1.3 billion, hindi nagawa ng Kommission ang tungkulin nitong ilabas ang listahan ng Non-Environmentally Acceptable Products and Packaging (NEAPP) sa nakaraang dalawampung taon,” ayon kay Legarda sa kanyang ipinasang resolusyon sa Kongreso.
Isinasaad sa Republic Act 9003 na isang taon matapos ang pagpasa ng batas, dapat na maglabas ng listahan ng NEAPP ang Komisyon na binubuo ng labing-apat na ahensya ng pamahalaan at kinatawan ng pribadong sektor at kailangang narerepaso ito bawat taon. Tungkulin ding magbuo ng mga karampatang aksyon at plano ang mga Kalihim ng mga ahensyang kasama sa Komisyon upang maipatupad ang National Solid Waste Management Framework.
Dagdag ni Legarda “dahil sa malubhang pagkabalam ng pagpapatupad ng batas ay humaharap ang bansa ngayon sa malalang krisis sa polusyon dulot ng plastic at nakilala ang Pilipinas bilang isa sa may pinakamaraming basurang umaagos sa karagatan sa buong mundo.”
Sa pag-aaral ng Ocean Conservancy noong 2015, nagkamal ang Pilipinas ng 2.7 milyon metriko toneladang basura mula sa plastic at mahigit kalahating milyong metriko tonelada mula dito ay naaanod sa ating mga karagatan. Ipinakita ng ulat mula sa Waste Assessment Brand Audit ng Global Alliance for Incinerators Alternatives (GAIA) noong 2019 lamang na nakaipon ang Piipinas ng basura mula sa 164 milyong piraso ng sachet, 48 milyong shopping bags, at 45.2 milyong piraso ng mga plastic “labo” bags.
Ayon naman sa report ng Asian Development Bank na inilabas noong April 2020, tinatayang nakakaipon ng hanggang 280 toneladang mga basura bawat araw sa Maynila mula sa mga medical waste dulot ng kasalukuyang pandemya sa COVID19.
“Malaking tulong ang resolusyon ni Deputy Speaker Loren Legarda upang matugunan ang malaking problema natin sa plastic. Panahon na para imbestigahan ang kawalan ng listahan ng NEAPP sa loob ng dalawampung taon sa kabila ng isang proresibong batas na naglagay sa Pilipinas bilang isa sa mga nahuhuling bansa sa pagtugon sa problema ng basura dulot ng plastic. Bakit inupuan ito ng Komisyon at mga kasamang ahensya nito? Hindi namin makita sa pamahalaan na itinuturing nilang malubha ang krisis sa plastic na basura, bukod pa sa nakaambang sakit na idudulot nito at sa pagkasira ng ating karagatan,” pagdiin ni Oceana Vice President Gloria Estenzo Ramos.
Isinabatas ang RA 9003 noong 2001 upang magsagawa ng sistematiko at komprehensibong ecological solid waste management program at tiyaking mapapangalagaan ang ating public health at kaunlaran.
“Malulutas natin ang krisis sa plastic kung maipagbabawal sa mga pagawaan at planta ang paggamit nito. Hindi tayo aabot sa pandemya sa plastic kung ginawa ng Komisyon ang tungkulin nitong ilabas ang listahan ng NEAPP sa nakaraang 20 taon. Hindi pwedeng ipasa na lamang sa mga konsyumer at mga lokal na pamahalaan ang paglutas ng problemang ito kung hindi gagawin ng Komisyon ang trabaho nila,” ayon kay Mae Chatto, campaign specialist ng Oceana na nangunguna sa kampanya nito upang ipagbawal ang single-use plastic.
Nagsagawa ang Komisyon ng pinakaunang konsultasyon tungkol sa listahan ng NEAPP noong Pebrero ng kasalukuyang taon at ang ibinunga nito ay ang pagbabawal ng paggamit ng dalawang plastic lamang – ang straw at panghalo ng kape sa mga kainan. Subali’t hindi pa napipirmahan ang naturang desisyon, hanggang isinusulat ito.
Ikinatuwa ng mga environmental groups kasama ang Oceana ang naturang pagbabawal nguni’t ayon sa kanila ay hindi ito sapat upang mabawasan ang polusyon sa plastic ng bansa.
Idiniin ni Legarda, ang pangunahing may-akda ng RA 9003, “ang Pilipinas na binubuo ng mga isla ay halos lumangoy sa dagat ng mga plastic na basura. Ang kabuhayan at kalusugan ng ating mga kababayan ang nalalagay sa peligro, at maging ang ating mga yamang-dagat na nasisira dulot nito.”
Ang Oceana ay nag-iisang international advocacy organization na nakatutok sa pangangalaga ng mga karagatan sa buong mundo. Simula noong 2014, nakikipagtulungan ang Oceana sa mga pambansa at lokal na mga ahensya ng pamahalaan, civil society, mangingisda at iba pang stakeholders upang maibalik ang malusog na karagatan at yamang-dagat sa Pilipinas. (END)
Para sa karagdagang impormasyon:
Joyce Sierra, Communications Manager, Oceana
Mobile: 09178214430 E-mail: [email protected]
Facebook: www.facebook.com/oceana.philippines
Twitter: @oceana_ph Instagram: @oceana_ph