PANAWAGAN NG MANGINGISDA, MAGKAISA, PROTEKTAHAN AT PANGALAGAAN ANG LIKAS YAMAN NG MUNISIPAL NA PANGISDAAN, PARA SA PANGMATAGALANG KATIYAKAN SA PAGKAIN NG TAONG BAYAN
Mahaba na ang pagdurusa ng pangisdaan at maliliit na mangingisda sa kamay ng mga iligal, mapanira at komersyal na pangingisda na siyang mabilis na sumaid sa likas-yaman ng munisipal na pangisdaan.
Taong 1975 nang pinagtibay ni dating Pres. Marcos ang PD -704 (Rebisyon at Konsolidasyon ng Lahat ng Batas at Dekretong May Kinalaman sa Pangingisda at Pangisdaan). Ito ang nagbigay ng pahintulot sa malalaking kapitalistang lokal at dayuhan na pasukin ang industriya ng pangisdaan mula sa komersyal na palakayang dayuhan at lokal, gamit ang malalaking barkong pangisda hanggang sa pagkukultura o pag-aalaga ng isda sa inland na katubigan tulad ng mga bakawanan. Sinaklaw na din hanggang sa munisipal na pangisdaan o mariculture, pati na ang pagsasapamilihan ng halos lahat ng yamang katubigan.
Mabilis na yumaman ang mga kapitalista sa komersyal na palakaya. Walang habas sila sa paghuli ng isda maliliit man o malalaki mula sa munisipal na pangisdaan hanggang EEZ. Mabilis din ang pagyaman ng mga kapitalista sa pagkukultura na sumaklaw sa katubigang tabang (Lawa). Nagpatuloy ang paglipol sa bakawan para sa libu-libong ektarya ng palaisdaan/fish pen sa mga kailugan, at maricultute park na itinayo sa maraming bahagi ng municipal waters ng bansa. Nakita rin sa pag-aaral na ang daang libong ektaryang pagpapalit-gamit ng katubigan o reklamasyon upang pagtayuan ng negosyo ay may malaking kontribusyon sa pagkasira at pagkipot ng lugar-pangisdaan, na ang pangunahing nakikinabang ay malalaking kapitalista. Malaki ang epekto nito sa kalikasan, kabuhayan ng mangingisda at buhay ng mamamayan. Pinalalala nito ang climate change at banta ng matitinding kalamidad.
Umabot sa kritikal na katayuan ang buong pangisdaan nuong 1975-1997. Sobrang nagamit at halos sira na ang mga lugar-pangisdaan at kailangan na ng rehabilitasyon—Manila Bay, Lingayen Gulf, Tayabas at Lamon Bay. Maging ang mga pangunahing Bay at Gulf sa Visayas at Mindanaw ay nangangailangan ng rehabilitasyon. Inilunsad kaugnay nito ang Fisheries Sector Program (FSP1 at 2), Fisheries Resource Management Program (FRMP), Coastal Resource Management Program (CRMP) at Community Based Coastal Resource Management (CBRM) na konsepto ng CSOs sa pangisdaan. Bilyong piso ang inilaan dito mula sa utang. Ilan sa laman ng programa ang muling pagtatanim, pagpaparami at pangangalaga ng bakawan, pangangalaga sa bahura o coral reefs, at edukasyon sa mga mangingisda laban sa iligal na pangingisda. Naging mahirap ang pagpapatupad ng mga programa dahil sa kawalan ng batas na susuhay dito. Hindi na sumasapat, bagkus ay humadlang pa ang pananatili ng PD 704.
Itinulak ng kalagayang ito ang mga samahang mangingisda, NGO at mga indibidwal na magsamasama upang ipanawagan na ang pagbabasura sa PD-704 at pagtutulak ng bagong batas sa pangisdaan.
Isinabatas ang RA-8550 nuong Pebrero 25, 1998. Isa sa magandang probisyon nito ang paglalaan ng 15 kilometro mula sa baybayin bilang pangisdaan ng maliliit na mangingisda at itinuring itong munisipal na
katubigan, at pagbabawal sa mga iligal at komersyal na palakaya na makapangisda maliban kung papahintulutan sila sa loob ng 10.1 KM, matapos gawin ang malawakang konsultasyon sa mga stakeholder, MFARMC, at maglabas ng ordinansa para dito ang LGU.
Sinimulan ang pagpapatupad ng RA 8550 nuong 1998. Mabagal. Walang seryosong pagpapatupad sa mahahalagang probisyon, lalo na ang pagpapahinto sa mga mapanira, iligal na paraan ng pangingisda, at ang pagbabawal sa mga komersyal na palakaya na makapasok sa municipal waters. Ganon din ang kawalan ng kibo sa malawakang reklamasyon ng mga munisipal na pangisdaan. Walang malinaw na patakaran upang parusahan ang lumalabag sa batas. Hindi maaninag ang layunin ng rehabilitasyon sa mga munisipal na pangisdaan. Lalong lumala ang kahirapan ng mangingisda. Itinuring na ang mga ito na pinakamahirap sa lahat ng mahihirap na sektor ng lipunan.
Inamyendahan ang RA-8550 at naisabatas nuong 2015 ang RA 10654. Naglaman ito ng mahihigpit na tuntunin sa pagbabawal at pagpaparusa kabilang mataas na multa sa Illegal, unreported and unregulated fishing (IUUF) na itinulak ng EU sa Pilipinas. Naglagay din ito ng probisyon para sa muling pagpapaunlad ng pangisdaan. Napatunayan sa ilang municipal waters na may panunumbalik sa dami ng isda dahil nalimitahan ang pasok ng komersyal na palakaya at iligal na pangingisda.
Subalit hindi tumitigil ang hanay ng komersyal na pangingisda. Gusto nilang pasukin ang munisipal na pangisdaan. Sa ngayon, itinutulak ang House Bill 7853 sa pamamagitan ni Rep. Pablo Garcia ng Cebu. Pangunahing layunin nito na matanggal ang probisyon sa RA-8550 as amended RA 10654 na nagbabawal na pumasok ang small at medium commercial fishing sa municipal water—na nagsasaad maari lamang sila sa 10.1 kilometro mula baybayin kung papayagan ng LGU, FARMC at dadaan sa malawakang konsultasyon ng lahat ng stakeholders. Nais nila na payagan ang komersyal na palakaya sa municipal waters, kahit maging sa kulang sa 15 kilometro mula sa baybayin na sukat ng municipal water.
KAMING MALILIIT NA MANGINGISDA SA PANGUNGUNA NG PANGISDA-PILIPINAS ay lantarang tutol sa hakbang na ng mga komersyal na kapitalista at ilang kongresman na amyendahan ang RA 8550 as amended RA-10654, lalung-lalo na ang probisyong nagbabawal sa mga komersyal na palakaya sa municipal water. Hindi natin dapat payagan na mawalang parang bula ang ating napagtagumpayan mula sa ilang dekadang pakikipaglaban para sa tunay na rehabilitasyon ng munisipal na pangisdaan, na nasira dahil sa walang habas na pagkuha ng likas-yaman ng mga illegal at komersyal na pangingisda.
KAUGNAY NITO, ANG PANGISDA-PILIPINAS AY NANANAWAGAN SA LAHAT NA LUMAHOK AT SUMUPORTA SA PAGKILOS SA MAYO 31, ganap na ika 9 ng umaga sa harap ng gusali ng Kongreso, sa Quezon City. Sama sama nating iparating ang ating pagtutol sa nilulutong HB 7853. Isigaw ang mas maigting na pagpapatupad ng batas, programa at mga patakaran na maglulubos sa tunay rehabilitasyon ng pangisdaan, paunlarin ang lokal ng pangisdaan, upang matiyak ang pag-angat ng kabuhayan ng mangingisda at katiyakan sa pagkain ng mamamayan mula sa ating maunlad na pangisdaan.
TUNAY NA REHABILITASYON NG PANGISDAAN IPATUPAD !!!
LOKAL NA PANGISDAAN PAUNLARIN !!!
SEGURIDAD SA PAGKAIN KAMTIN!!!
HOUSE BILL 7853 TUTULAN HUWAG PAYAGAN !!!
ITIGIL ANG MALAWAKANG REKLAMAYON NG MGA MUNISIPAL NA PANGISDAAN!!!
IPAGTAGOL AT IPAGLABAN ANG KARAPATAN SA PANGISDAAN!!!